Default Thumbnail

Tuloy ang paghabol ng BoC sa mga ismagler ng gulay

September 29, 2021 Vic Reyes 366 views

Vic ReyesBUKAS (Biyernes) ay simula na ang paghahain ng kandidatura ng mga tatakbo sa May 9, 2022 election.

Sana paigtingin pa ng pambansang pulisya ang pagbabantay sa mga lugar na kung saang sobra ang init ng politika.

Alam naman ng mga otoridad kung saan merong mga political warlord.

Huwag hayaang makaporma ang mga armadong tauhan ng mga warlord.

Ang problema lang ay may impluwensya ang mga political warlord.

Sa tagal na nila sa kapangyarihan ay siguradong may mga koneksiyon na sila sa mga otoridad.

Kaya ngayon pa lang ay dapat palitan na ang mga pulis na nakadestino sa mga bayan at syudad.

Bago ang May 9, 2022 elections, kailangang i-reshuffle na ang mga hepe ng pulis para hindi makaporma ang mga lokal na politiko.

Hindi sa wala tayong tiwala sa mga pulis na alam naman natin na matitino ang nakakarami, ang gusto lang natin ay maging mapayapa ang darating na halalan.

***

Kawawa naman talaga ang mga magsasaka natin sa bansa.

Napakamahal ng mga binibiling abono, pestesidyo at iba pang gamit sa pagsasaka.

Pagkatapos, kapag panahon ng anihan, ang mura pa ng presyo ng pagbili sa kanilang mga produkto.

Ang mababang presyo ay bunga ng pagbaha sa merkado ng mga imported na agricultural product.

Kaya nga pasan-krus sa mga magsasaka ang mga puslit na bigas at gulay.

Mabuti na lang laging nakaagapay ang Bureau of Customs.

Sa totoo lang, hindi nagpapabaya ang BoC sa paghabol sa mga ismagler.

Laging naka-alerto ang mga tauhan ni Commissioner Rey Guerrero laban sa mga nagpupuslit ng mga imported na gulay.

Sa katunayan, sinira ng BoC-Cagayan de Oro ang mga puslit na sibuyas na nagkakahalaga ng P3.5 milyon na galing China.

Sinabi ni BoC District Collector Elvira Cruz na ang shipment ay idineklarang naglalaman ng “cream cheese” at frozen puff pastries.”

***

Dahil sa siensiya at ”wonders” ng makabagong teknolihiya, nakarating at naglakad na ang tao sa buwan.

Alam na natin ang itsura at nangyayari sa iba pang “heavenly bodies,” kabilang na ang Mars, Saturn, Neptune at Pluto.

Iba na ang dunong ng tao, lalo na ang mga scientist, doktor at inhenyero.

Pero bakit kaya hanggang ngayon ay hindi pa makatuklas ang tao ng gamot sa COVID-l9?

Maraming buhay na ang kinitil sa buong mundo, kabilang na ang Pilipinas.

May bakuna nga pero nagkakasakit pa rin ng COVID-l9 ang mga bakunado.

Kaya tuloy pa rin ang mga lockdown at restriction para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Ang masakit, bagsak na bagsak ang ekonomiya at maraming naghihirap dahil sa kawalan ng trabaho.

Dapat pagtuunan natin ang pagtuklas ng mabisang gamot sa COVID-l9.

Ito ay kung gusto nating makabalik tayo sa dating pamumuhay.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE