Joey Papa

Surot, ipis, daga, susunod kaya ang sawa, langaw, bangaw?

March 3, 2024 Joey C. Papa 114 views

KINILABUTAN ang marami kasama na ako sa sunud-sunod na balitang nakakita ng surot sa mga upuan ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.

Nakatago ang surot sa mga upuang metal!

Ang alam kong madalas bahayan ng mga surot ay mga silyang gawa sa rattan, kahoy, at solihiyang upuan.

At sa karanasan ko’y ang maruruming lugar lang ang pinamamahayan ng surot.

Naranasan ko ito noong bata pa ako nang minsang magkayayaan kaming magkakalaro na manood ng sine sa isang lumang sinehan sa Tundo noon.

Double-program ang tawag sa mga sinehang may dalawang palabas.

Mainit sa loob ng sinehan dahil maliit lang naman ang bayad at dalawang lumang pelikula pa ang mapapanod.

Marumi ang sinehan. Sa amoy na lang na amoy pawis ng tao at iba-iba pang amoy na mabaho, sumakit lalo ang ngipin ko na may problema na bago pa ako manood.

Hindi ko pinansin ang sakit ng ngipin dahil mga bata nga kami at tuwang nanonood ng pelikulang cowboy films na dayuhan, na hindi kadalasang nangyayari. Kapag may sumobra lang sa baon namin sa iskuwela saka lang kami makapanonood na bihira rin naming mangyari.

Ang siste, habang nanonood kami ay sinalakay kami ng surot at lahat kami ay nagkakamot sa may puwitan at likuran namin.

Hindi naalis ng kamot ang kati ng idinulot ng kagat ng surot.

Napagpagsiyahan naming tumayo na lang sa gilid ng sinehan habang nanonood at nagkakamot.

Sumunod namang nakakakita ng ipis at daga at naturang airport.

Sangkatutak na spraying agad ang isinagawa ng mga kinauukulan. Kemikal naman ang mahihinga, malalanghap ng mga pasahero.

Mawawala na ba ang mga insekto at “pesteng” ito?

Sa palagay ko’y hindi. Hangga’t marumi ang isang lugar, pamumugaran ito ng iba’t ibang insekto at peste.

Pagkain naman ang hanap ng mga “sumalakay” na ito sa airport maliban sa surot na may pagka-manananggal o bampira. Dugo ang hanap nila. Parang mga kuto sa sa mga pusa at aso, nagpapakasasa sila sa dugo.

Ngunit kung malinis nga ang lugar ay walang kahit anong insekto o peste ang mamumugad dito.

Malamang na may basurahan sa airport kaya panay ang ikot ng ipis at daga. Kilala ang mga ito na “scavengers” nang mga pagkaing tira ng tao. Ganito rin ang mga langaw at bangaw.

Bulok man o hindi na pagkain ay paborito ito ng mga insekto at peste.

Kahit ang mga nahuhuling mga ahas at sawa sa mga barangay hall at nitong huli ay sa isang bintana ng isang bahay, pagkain daw ang hanap nito dahil gutom na ito. Kinalbo na kasi ang mga gubat na tahanan nila. Sinong kumalbo? Mga ilang ganid na tao!

Kinakalkal nga ng mga daga, ipis, langaw, bangaw ang mga basurang inilalagay ng mga residente ng komunidad na nakabalandra sa mga bangketa habang naghihintay ng mga trak ng basura. Ang mga ito ang “unang basurero.” Marami nang nakuha ang mga daga, ipis, bangaw, langaw, aso at pusa sa mga kinalkal nilang trash bag na sumabog na at kumalat sa kalye kaya lalong bumaho at dumami ang peste at insektong kumakain sa daan. Pagdating ng trak ng basura, nabawasan na ang kokolektahin nila.

Hanggang hindi naipatutupad ng mga kinauukulan ang isang matapat, maayos, at malinis na Maka-Kalikasang Pamamahala ng mga Tira-tirang bagay na Nagiging Basura o Ecological Solid Waste Management o RA 9003, patuloy na dadami ang mga “nilikhang” maghahanap ng mga pagkaing sariwa, at bulok mabaho man o mabango.

AUTHOR PROFILE