Circus

‘Super American Circus,’ balik-Pinas

November 19, 2022 Ian F. Fariñas 294 views

MATAPOS ang sampung taon, muling matutunghayan sa ’Pinas ang prestihiyoso at world-famous na Super American Circus ngayong Kapaskuhan.

Magsisimula itong mapanood sa Newport Performing Arts Theater, Newport World Resorts sa December 21, 2022 hanggang January 8, 2023 sa ilalim ng SGE Productions.

Huling nagtanghal sa bansa ang Super American Circus noong 2012. Kaya naman ngayong taon, siguradong mas marami silang bagong maihahandog sa Pinoy circus fans.

“’Eto, it’s a combination of different acts from around the world. ‘Yung dati kasi, halimbawa, from Russia lang sila or from China. ‘Eto, hindi. We’re bringing (performers) from Russia, meron kaming galing ng Columbia, Canada at US,” sabi ng isa sa producers na si Johanan Soyangco.

Ayon naman sa artistic director at choreographer na si Elaine Alcorn, mahigit 25 circus performers mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang darayo sa ‘Pinas para mag-perform ng samu’t saring death-defying acts sa Super American Circus.

Ilan dito ay ang motorcycle team ng Globe of Dancer, The Sky Wheel, the High Flying Motorcycle, aerialists, aerial ballerinas, jugglers, atbp.

Ang ilan pa nga raw sa performers ay kabilang sa mga nagwagi sa America’s Got Talent.

Bukod sa paghahatid ng kakaibang performance, napakaganda rin ng intensyon ng managing director nitong si Edwin Chiong na mabigyan ng tsansa ang mas maraming Pinoy na makapanood ng show.

Kaya naman very affordable ang ticket prices ng Super American Circus (P1,000, P2,000 at P5,000).

Nagpaplano rin sila ng isang charity night kung saan magkakaroon ng tsansang manood ang mga bata na less privileged.

AUTHOR PROFILE