Allan

Social media: Walang absolute freedom

June 5, 2024 Allan L. Encarnacion 109 views

WALA namang duda na ang mainstream media ay hindi mawawala sa kahit anong panahon.

Maaring hindi na siya kasing lakas ng dati niyang kapangyarihan kung babalik ka sa dekada 80, 90 hanggang early 2000 subalit kailangang aminin natin na mananatili itong buhay kahit mayroon nang social media.

Nang isilang ang social media at mga online news, naglaho na ang mga newspapers, mula sa broadsheets hanggang sa tabloids. Noong araw, bawat kanto ay makakakita ka ng news stand na puwede mong bilhan ng gusto mong diyaryo. Kung hindi ka makabili, mayroon namang mga newsboy sa kalsada na matitisod mo kahit saan.

Ngayon, kung may mabibili ka man sa kanto nyo, buwenas ka pa! Noong mga panahong walang social media, aabot sa 12 hanggang kinseng assorted newspapers ang araw-araw na supply ko sa bahay bukod pa ang mga diyaryong daratnan ka opisina. Sad to say, wala na akong mabiling diyaryo kahit saan sa paligid namin kahit mag-ikot pa ako ng tatlo hanggang limang kilometro sa pagmamaneho habang naghahanap ng mabibilhan.

Hindi ito nakapagtataka kasi iyong mga popular na tabloid noon na ang printed copies araw-araw ay nasa 650,000 para sa nationwide distributions ay suwerte nang mag-imprenta ng 20,000.

Iyon namang malalaking diyaryo or broadsheets nasa 500,000 ang daily printed copies ay 15,000 na lang ang kanilang printing. Karaniwan, para na lang iyon sa mga banks or offices or mga advertisers na subscribers nila.

Ang telebisyon naman, madalang na rin ang nakakapanood sa live tv kasi puwede naman sa online or kung hindi man mapanood ay nabalikand in agad sa social media. Ganoon din sa mga radyo, iilang radio station na lang ang nakaka-penetrate sa market kaya marami-rami nang radyo ang nagsara.

Ang mga variety shows naman at mga telenobela natin ay sinasagsagasaan na ng Korean series at mga Netflix series. Sa bahay namin mismo, walanang nanood ng kahit anong free tv shows.

At sa totoo lang naman, marami na rin sa mainstream ang nasira ang kredibilidad dahil na rin sa partisan politics or anumang mga vested interest ng sinuman. Kaya nga siguro tinangkilik ng publiko ang social media dahil nga sa tingin nila ay marami na rin sa mainstream ang hindi mapagkakatiwalaan sa pagbabalita.

Talamak kasi ang pagiging bias ng ibang mainstream noon at talagang sila ang nagdidikta ng balita at gusto nila, sila rin ang gagawa ng Presidente, Bise-Presidente, mga Senators at iba pang mga local leaders. Ang mabigat din sa ibang mainstream noon, ang tingin nila sa kanilang mga sarili ay sila lang ang malinis. Ang tingin nila sa hindi nila mapapasunod ay marumi, magnanakaw at walanghiya sa bayan.

Kaya nga kapag nabira ka sa mainstream noon, kahit inosente ka, bugbog-sarado ka kasama pa sa kaladkad ang iyong pamilya. Ngayon, pare-parehas nang may sariling camera, may mga sariling mikropono na kapag hindi binalanse ng mainstream, madaling makasagot ang sino man sa pamamagitan ng social media.

Kaya nga dapat ma-realize din ng mga gumagamit ng social media na huwag din abusuhin at babuyin ang platforms na ito para hindi matulad sa nangyaring pagbaba ng interest ng publiko sa mainstream.

Hindi porket may sarili kang social media platforms ay puwede mo nang sabihin ang gusto mong sabihin at puwede mo nang ilabas ang gusto mong ilabas.

Babalik pa rin tayo sa golden rule na huwag mong gawin sa kapwa mo ang ayaw mong gawin sa iyo.

Walang absolute freedom, ang mayroon lang ay absolute responsibility.

[email protected]