Paul Gutierez

Tigilan na ang mga espekulasyon!

June 25, 2024 Paul M. Gutierrez 112 views

TULAD ng inaasahan, marami ang ‘sumawsaw’ at ‘sumakay’ sa ginawang pagbibitiw kamakailan ni Vice President Sara Duterte bilang kalhim ng Department of Education (DepEd), sa hindi pa malamang kadahilanan.

Hindi na nakakagulat na kanya-kanya agad labas ng mga opinyon at haka-haka ang mga mahilig sa libreng publisidad – na walang inaabangan kundi ang mga ganitong kaganapan, para lamang makapag-ingay.

May mga nagsabi na matagal na daw dapat ginawa ni VP Sara ang pagbibitiw sabay banat ng mga sablay at palpak daw sa pagganap sa tungkulin, na kesehodang hindi naman daw talaga qualified si Inday Sara sa posisyon, at kung anu-anu pang mga negatibong pahayag.

Nakakatuwa sa mga personalidad na ito, na karamihan ay sumusuweldo rin mula sa buwis ng taong-bayan, ay wala rin naman matatawag na ‘ambag’ o accomplishment sa kanilang larangan, bagkus ay puro pambabatikos at pagpuna lamang ang ginagawa sa administrasyon.

Mayroon din nagsabi na dahil sa pagbibitiw, ang bise presidente na daw ang magiging bagong oposisyon, dahil senyales daw ang pangyayari na wasak na ang tinaturiang Uniteam – na agad naman kinontra ng iba sa pagsasabing ang grupo pa rin nila ang genuine opposition.

Parang mga bata na natakot maagawan ng laruan, matapos na tila umayaw na ang isa sa kanyang dating lumang laruan. Hehehe.

May ilan naman pumupuri sa ginawang pagbibitiw, pero may kahalong pag-uudyok na tila ‘sinusulsulan’ si VP Sara na maging ‘kontrabida’ administrasyon. Malinaw na may mga ‘vested interest’ ang mga sulsulerong ito, kaya walang pakialam basta maisulong lang ang kanilang ‘agenda.’

Mas mainam, antayin natin na sa bibig mismo ni VP Sara manggaling kung ano ang kanyang mga susunod na hakbang, at antayin natin ang tatahakin ng kanyang ginawang pagbibitiw. Pero sa ngayon, igalang muna natin ang kanyang naging pasya at tigilan ang pagbibigay ng mga espekulasyon, na pawang mga pansariling interes lang ang motibo.

Ganito rin ang pahayag ni House Speaker Martin Romualdez sa pagsasabing antayin ang pahayag ng bise presidente.

Naniniwala tayo na bagama’t nagbitiw sa gabinete ang bise presidente, hindi ganu’n kabilis itapon o wakasan ang nabuong pagkakaibigan sa pagitan nila ni Pangulong Bongbong Marcos, gayundin sa ibang miyembro ng pamilya.

Sinabi nga ni VP Sara sa isang panayam na “We are still friendly with each other on a personal level,” patungkol sa estado ng samahan nila ni PBBM.

Sa mga nagnanais lamang na maging magulo ang gobyerno sa tuwing may mga ganitong eksena sa pulitika, mas mainam na manahimik na lamang kung wala rin lamang na maiaambag na mabuti sa ating pamahalaan.

Kung ayaw ninyong tumulong para sa mas ikabubuti at ikauunlad ng bansa, mas mainam na manahimik na lamang at tigilan ang pang-iintriga at pagbibitaw ng mga walang kwentang opinyon at espekulasyon. Period!

AUTHOR PROFILE