Default Thumbnail

Sidecar boy timbog matapos mag-amok

June 6, 2022 Jonjon Reyes 390 views

PASOK sa selda ng Manila Police District (MPD) ng Moriones Police Station 2 ang isang 39-anyos na sidecar boy, na diumanong naghaganap ng away habang armado ng baril sa panulukan ng Claro M. Recto at Dagupan St. sa Tondo, Linggo ng gabi.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, commander ng MPD-Station 2, pasado alas 8:30 ng gabi nang arestuhin ang suspek sa naturang lugar habang naglalakad at nakasukbit sa baywang nito ang baril na may dalawang bala.

Ang suspek na mula sa Bgy. 59, Tondo ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) in relation to Omnibus Election Code.

Nagbuhat sa sumbong ng isang concerned citizen na nagkaroon ng tensiyon dahil hawak umano ng suspek ang baril at naghahamon ito ng away.

Dahil dito agad na rumesponde sina P/Cpl. Larry Viray at Pat. Darius Astoveza saka tiniyak muna nila na kalmado ang suspek, pagkatapos nilapitan at kinapkapan hanggang sa marekober ang baril sa kanyang baywang.

Sa presinto, hindi umano makapagsalita ang suspek kung saan nito gagamitin ang baril na nakuha sa kanya.

Nagpaabot naman ng pagbati si P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, kay Lt. Col. Lorenzo at ang dalawang nagresponde dahil sa agarang pagkilos at pagkaaresto sa suspek.

AUTHOR PROFILE