Martin1

SFMR: Pag-apruba sa 2025 nat’l budget prayoridad ng Kamara

June 16, 2024 People's Tonight 175 views

BIBIGYANG prayoridad ng Kamara de Representantes ang pag-apruba sa panukalang badyet para sa 2025 sa ikatlong regular session ng 19th Congress, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“Ay syempre naman ‘yung budget, kasi pagkatapos ng SONA, isusumite na naman ‘yung budget sa 2025 kaya doon na lang ‘yung kasunduan na lang na pinag-uusapan natin ng House of Representatives,” saad ni Speaker Romualdez bilang tugon sa tanong ng mga mamamahayag.

Ayon sa lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan, ang pambansang pondo ang pinakamahalagang lehislasyon na pinapagtibay ng Kongreso taun-taon.

“‘Yun ang pinakamabigat at pinakamalaking legislation,” sabi ni Speaker Romualdez.

Nakatakdang ipanukala ng administrasyong Marcos ang P6.2 trilyong halaga ng pambansang pondo para sa susunod na taon.

Ngayong 2024 ang kabuuang badyet ng gobyerno ay P5.768 trilyon.

Magbubukas ang ikatlo at huling regular session ng 19th Congress sa Hulyo 22.

Sa panayam kay Romualdez noong Biyernes matapos ang pamamahagi ng tulong pinansyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay para sa ating Disadvantaged at Displaced Workers (TUPAD) sa Tiaong, Quezon, ay nangako ito na patuloy na popondohan ng Kongreso ang mga programa para sa mga manggagawa.

“Nakikita ko napakaganda itong programa na ginagawa ng DOLE na TUPAD payout para sa mga magsasaka. Nakita mo naman masayang-masaya, masigla talaga ang ating beneficiaries… kaya itutuloy din natin itong programa sa susunod na budget, kaya ito ang gusto talaga ng taong-bayan,” saad niya.

Umaasa din ang lider ng Kamara na maaaprubahan ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law na makatutulong upang bumaba ang presyo ng bigas.

“Ongoing po (ang discussion) at mukhang nagkakasunduan na ang House at ang Senate at mukhang malapit na. Matatapos din at magkakaroon tayo ng magandang resolusyon,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Bahagi ng panukala na maibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng bigas sa publiko.

Sabi pa ni Speaker Romualdez na ang pasya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tapyasan ang taripang ipinapataw sa inaangkat na bigas mula 35 porsyento patungong 15 porsyento at ang direktang pagbebenta ng bigas ay makatutulong din sa pagpapababa ng presyo ng bigas.

AUTHOR PROFILE