Default Thumbnail

Secret meeting ng bidder at ng opisyal

March 13, 2023 Allan L. Encarnacion 373 views

Allan EncarnacionNakatakdang maganap ang bidding ng LTO para sa P4.6 bilyon plaka na mukhang maaantala na naman.

Naglabas ng Department Order ang DOTr Secretary para ilipat sa kanilang ahensiya ang bidding ng lahat ng kanilang attached agency kapag ang halaga ng proyekto ay mas mataas sa P50 million.

Ibig sabihin, dahil sa kautusan na ito, ang DOTr na ang magsasagawa ng bidding sa plaka kahit wala silang techinical expertise para isulat ang TOR or Term of Reference.

Kung susundin ang kautusang ito ng DOTr, tiyak na ang pagkaantala ng mga plaka kaya huwag kayong magugulat kung mabuhay na naman ang slogan ng bansa na Republikang Walang Plaka sa mga darating na buwan.

Ang problema natin ngayon, habang wala pang naitatakdang bidding para sa P4.6 billion plaka ang LTO, may mga umiikot nang balita ng secret meeting ng ilang nagpapakilalang “opisyal” at ng isang potensiyal bidder. Ayon sa ating impormasyon, tatlong linggo na ang nakakaraan ay nakipagpulong si opisyal sa isang lady contractor.

Wala sanang masama sa pulong na ito na nagaganap sa Valle Verde Golf and Country Club kung hindi sasali sa bidding ang kontraktor. At lalong walang masama kung ang kamiting ni lady contractor ay walang kinalaman sa ahensiyang magsasagawa ng bidding.

Sa tingin natin, hindi dapat ito nangyayari kung delicadeza ang pinag-uusapan. Kahit sabihin nating walang malisya ang pulong, iba pa rin ang magiging dating nito, lalo na sa mga iba pang potential bidders.

Kung talagang gusto lang nila ng bidding transparency, dapat ipatawag lahat ng mga potential contractors at hindi dapat maganap ang pulong sa labas ng kanilang ahensiya. Mas magandang tingnan kung lahat sila ay iimbitahan sa opisina ni secretary para ipaliwanag ang mga TOR or anumang parameters sa gaganaping bidding.

Puwede nilang sabihing nakataya ang integridad ng ahensiya ni Secretary Bautista kaya gusto nila ng malinis at maayos na bidding para sa plaka ng ating mga sasakyan.

Sa tingin natin, walang kinalaman si Secretary Bautista sa secret meeting na ito ng ilang nagpapakilalang opisyal at ng posibleng bidder.

Kaya nga nanawagan tayo kay Sec Bautista para imbestigahan ang pulong dahil posibleng ginagamit lang ng mga taong ito ang kanyang pangalan.

Kung sino man ang opisyal na ito, sana lang ay mailantad sa publiko at huwag hayaang magkaroon ng partisipasyon sa itatakdang bidding ng bilyun-bilyong pisong plaka.

[email protected]