Allan

Sandigan sa kalusugan si Doc Tony

May 13, 2024 Allan L. Encarnacion 634 views

Walang puwedeng magkuwestiyon sa sinseridad ng kaibigan nating prominenteng Health advocate na si Doc Tony Leachon at kapitbahay ko dito sa Journal group.

Maraming mga tao dyan na lumalantad lang kapag maganda ang panahon, kapag pabor sa kanila ang alon ng karagatan. Iyon bang kapag makikinabang lang sila, kapag magdudulot sa kanila ng komportableng sitwasyon, ang bilis nilang sumakay sa mga propaganda para mapansin ng mga nasa poder.

Puwede nating sabihin na si Doc Tony, come hell or high water, hindi ito nagbabago ng paninindigan sa maraming isyu ng bayan, lalo na kapag ang nakataya ay ang kalusugan ng ating mga mamamayan.

Kung sa hinaharap ay palarin lang na maging Prime Minister or Presidente ng bansa ang aking apo na si Mati na 5 years old pa lang ngayon, isa sa mga irerekomenda kong maging Health secretary ay si Doc Tony!

Marami ang hindi nakakakita sa importansiya ni Doc Tony dahil na rin siguro sa uri ng klima ng pulitika ng ating bansa. Palaging nauuna ang “sakalam” sa halip tumitingin sa kapasidad ng isang tao.

Iyong labanan ng Dengvaxia scandal, iyong mga suhestiyon niya na dapat naging maagap ang pamahalaan para hindi kumalat ang covid bago pa pumutok ang virus na ito hanggang sa mag-lockdown ay palagi naroon si Doc Tony. Ang totoo, maayos naman ang buhay ni Doc Tony, komportable naman ang buhay ng kanilang pamilya.

Puwede naman siyang manahimik na lang at magpatuloy sa kanyang propesyon para hindi na siya naiistorbo. Pero sa halip na unahin ang kapakanan niya at kapakanan ng kanilang pamilya, naroon si Doc Tony nakikipaglaban para sa kaligtasan at kalusugan ng bayan.

May mga nagsasabi sa kanya na “it’s a lonely battle” dahil ang mga binabangga niya ay ang mga pader kaya madalas ay walang ibang lumalantad kung hindi si Doc Tony. Doon nga tayo humahanga sa kaibigan nating ito, hindi siya lumalaban para magpasikat dahil makailang ulit na natin siyang nakitang nakatayo at lumalaban kahit mag-isa.

Para kay Doc Tony, ang tama ay tama, ang mali ay mali. Totoo naman talaga ito, hindi manipis at hindi malabo ang borderline ng tama at mali, malinaw ito kung totoong universal judgment ang magiging sukatan. Hindi maikukumpara ang tama sa pagtingin sa numerong 9 at 6 para sa mga taong nasa likod at nasa harap.

Kahit saan ka tumingin, kahit paano mo ba baligtarin, hindi nagbabago ang sukatan ng tama.

Tuloy mo lang Doc Tony, marami sa ating mga kababayan ang nakasandig sa iyong mga adbokasiya para sa kaayusan at kaligtasan ng ating health industry.

Para sa bayan, mabuhay ka Doc. Tony!

[email protected]