Default Thumbnail

Sana

July 23, 2023 Joey C. Papa 241 views

JoeyIDARAOS ngayong araw na ito July 24, 2023 ang ikalawang SONA ni Pangulong Bongbong Marcos sa Bulwagan ng Batasan Pambansa sa panahong maraming hamon ang hinaharap ang bayang Pilipinas.

Hindi natin alam tulad ng dati, ang lalamanin ng talumpati ni Pang. Marcos Jr. Ngunit mayroong nanghuhula na lang, tulad ng dati sa mga sasabihin ni PMarcos Jr.

Sa mga ordinaryong Pilipino, may pumapansin, nakikinig sa SONA at ay mayroon ding tuloy lang ang buhay tulad ng pagtitinda, pagmamaneho ng jeepneys, pagpasok sa mga tanggapan at trabaho at marami pang ibang gawain na kailangan nilang gawin upang may mauwi sa kani-kanilang pamilya.

May mga nakausap akong mga kababayan na kahit hindi sila magkakaroon ng pagkakataon na makapakinig, “wish list” na lang sa kanilang mga isipan daw nila dinadaan ang mga kahilingan. Kapag napasama raw sa SONA ang hiling ay bonus na ‘yong maituturing dahil hindi naman natin alam kung mangyayari Ito.

Ang mga narinig ko;

Sana bumaba na ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang bigas at ulam.

Sana tumaas ang suweldo ng mga empleyado’t manggagawa upang mapakain at mapag-aral ang kanilang mga anak.

Sana itigil na ang palagiang pagtaas ng presyo ng langis; gasolina, diesel at gaas.

Sana ay madagdagan na ang pensyon ng mga retiradong miyembro ng Social Security System (SSS) lalo na ang mga senior citizen.

Sana madagdagan ang sahod ng mga health workes at mapigilan ang pagpunta ng mga nurses at duktor sa ibang bansa.

Sana ay ayusin na ng may katapatan ang krisis sa trapiko hindi lang sa EDSA kundi sa mga artery roads na ginawang garahe ng maraming sasakyan na hindi naman pinapansin ng mga lokal na pamahalan tulad ng pamahalaang barangay. Illegal garaging ang tawag dito.

Sana ay magkaroon na ng pagkilos upang mabawasan ng malaki ang krisis sa klima na palubha na ng palubha. Isa na rito ang plastic pollution na nakakain at nahihinga na ng mga tao ang microplastic.

Sana ay panatiliing protektado ang watershed ng Masungi Georeserve sa Baras Rizal..

Sana ay manatiling malinis at ligtas mula sa mga istruktura ang Tanay Rizal na isang protected mountain area.

Sana ay matanggal na ang korapsyon sa bansang Pilipinas.

Sana ay tuluyan nang matanggal ang Pogo dito sa ating bansa.

Sana ay laging pangalagaan ang mga bata o yaong mga menor de-edad pa mula sa mga mapagsamantalang sindikato.

Sana ay payabungin at buhayin ng ganap ang sining at kultura ng ating bansa na nilulukuban na ng kultura ng ibang bansa.

Sana tunay nang umunlad ang ating bansa.

Sana ay mawala na ang koraspyon sa ating pamahalaan.

Sana ay magising na ang mga Tsino na hindi kanila ang bahagi ng karagatang bahagi ng Pilipinas at itigil na ang kanilang pambu-bully o panduduro at tuluyan na silang lumayas ng mga bahagi ng karagatang sinakop na nila at tinayuan ng isla. Ang lawak na ng lupain ng Tsina. Kung tawagin ang bansa nila dahil sa laki ay “one-fourth of humanity” ngunit patuloy pa rin silang naghahangad ng malaking lugar sa mundo at ngayon ay karagatan naman ang kinukuha nila. Hindi pa ba sapat ang laki ng bansa nila para sa kanila?

Sana ay magising na ang Tsina upang huwag nang dumating pa sa puntong magkakaroon ng komprontasyon sa pagitan ng ilang bansang sumasawsaw naman dahil may interes din naman sa ating bayan.

Sana, sana, sana, harinawa.

AUTHOR PROFILE