Default Thumbnail

Sana mag-file si Gen. Guillor Eleazar sa Nov.15 sa pagkasenador!

October 18, 2021 Marlon Purification 432 views

Marlon PurificationHANGGANG ngayon marami ang nagtatanong kung tatakbo ba talaga si PNP chief Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar.

Kung ako ang tatanungin, mas lamang na tuloy ang pagtakbo sa Senado ng magiting na heneral.

Natural, ayaw muna nitong masira ang ‘focus’ sa trabaho lalo’t seguridad at kaligtasan nating lahat ang nakataya sa kanyang puwesto bilang Top Cop ng bansa.

Hindi nga naman biro na gabayan ang 220,000 ‘total strength’ ng ating kapulisan para pangalagaan ang 100 milyong populasyon ng Pilipinas.

Take note, mula nang maupo si Guillor bilang PNP chief, limang buwan na ang nakalipas, puro papuri at magagandang ‘accomplishments’ ang ipinakikita nito sa taumbayan. Patunay na may mga opisyal talaga ng PNP ang hindi ‘corrupt’ at hindi kailanman mangungunsinti ng mga abusadong miyembro ng pulisya.

Magandang strategy na rin kung sa November 15 pa magsusumite ng kanyang kandidatura si Eleazar. Una, sa Nobyembre 13 pa siya magreretiro.

Tatapusin na niya muna ang termino at hindi rin siya mababatikos ngayon ng mga posibleng makalaban sa pulitika.

Si Guillor, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Hinirang Class of 1987 at mayroon siya hanggang Nobyembre 15 para sa deadline sa ‘substitution rule’ ng Comelec sa sinumang kandidato na nais tumakbo sa Halalan 2022.

Ang tanong din ng marami, kaninong partido aanib si Guillor.

Sinabi kamakailan ni Senate President Tito Sotto sa Senate media na may isang bakanteng spot sa kanilang senatorial na ilalaan para sa ‘surprise candidate.’

Sigurado ako nubenta’y nuwebe porsiyento na ang slot na ito ay para kay Eleazar na palaging sinasabi na idol niya sa pagiging Chief PNP si Senador Ping Lacson na ka-tandem ni SP (Reporma and NPC Party).

Pero puwede ring maging ‘guest candidate’ si Eleazar sa kampo nina Manila Mayor Isko Moreno (Aksiyon Demokratiko), Senador Manny Paquiao (PROMDI-PDP Laban Pimentel Wing) o kahit sa kampo nina Vice President Leni Robredo (Independent kuno, ewan bat di ginamit ang Liberal Party, eh siya naman ang national chairperson); o kahit pa sa kampo ni dating Senador Bongbong Marcos (Partido Federal ng Pilipinas) at siyempre sa panig nina presidential aspirant Senators Bato dela Rosa at Bong Go ng PDP Laban Cusi Wing.

Walang masamang tinapay sa katauhan ni Eleazar kaya kahit kanino ay puwede itong maging guest candidate.

Sakaling palaring manalo para maging miyembro ng Mataas na Kapulungan ng Kognreso, malaking tulong si Guillor upang mapagtatagumpayan ang reporma sa PNP sa pamamagitan ng legislation.

Marami pa rin naman kasing pasaway, pero natin nakitaan ng pagod si Eleazar para sila masawata at madisiplina. Ang maganda pa, kung gaano ka-istrikto si Gen Eleazar sa mga tiwaling pulis, ganyan kabait naman siya sa mababait at magagaling na pulis.

Marami na siyang binigyan ng award at recognition na magigiting na alagad ng batas, bagay na nagpapataba ng puso para sa mabubuting pulis na nakahihikayat din upang sila’y tularan.

Hindi na bago sa pulitika ang apelidong Eleazar dahil ang kapatid niyang si Carlo ay mayor ng Tagkawayan, Quezon kung saan sila ipinanganak at nakatira hanggang ngayon.