Default Thumbnail

Saludo sa BI

March 4, 2023 Marlon Purification 417 views

Marlon PurificationSA unang quarter ng 2023 ay umangat ng dalawang pwesto ang Pilipinas sa kategorya ng mga bansang may pinaka-malakas na passport index sa buong mundo.

Ang ating pangunahing identity o primary national identity ay nasa 80 pwesto na may visa-free entries sa buong mundo ayon sa talaang inilabas ng The Henley Passport Index Global Ranking.

Bagamat malayo pa ang ating tatahakin kung ikukumpara sa mga karatig-bansa natin gaya ng Japan, Korea at Singapore hindi naman maikakaila na proud pa rin tayo na dinadala ang isang simbolo ng ating pagkakakilanlan.

​Sang-ayon sa Department Order no. 010-2017 o ang Implementing Rules and Regulations (IRR) of R.A. 10928 (2017) binigyan na ng 10 taon ang validity ng Philippine Passport mula sa mga edad 18 pataas. Sa mga kabataan naman na may edad 17 pababa ay nanatili na five years validity lang ang iginawad ng ating batas.

​Sa kabila ng malayong pwesto ay paborito pa rin itong gawing target ng mga sindikato upang isama sa kanilang masasamang gawain. Noong Biyernes lang ay umabot sa ating radar ang ginawang pagsakote ng ilang immigration officers sa isang Chinese national na nagtangkang pumuslit ng bansa gamit ang isang Philippine Passport.

​Nangyari ang insidente sa kabubukas lang na Boracay Caticlan International Airport (BCIA) diyan sa probinsiya ng Aklan kung saan makikita ang isa sa mga paboritong destinasyon ng mga turista, ang isla ng Boracay.

​Si Zhao Jintao, 25 años, tubong Hanan Province, China, na nagtago sa alyas na Jansen Gonzales Tan sa kanyang Philippine Passport, ay hinuli matapos mapatunayan na hindi siya tubong Pinoy sa ginawang secondary inspection sa kanya ng miyembro ng Bureau of Immigration Travel Control and Enforcement Unit (TCEU).

​Sa dagdag na imbestigasyon ay napag-alaman na gumamit din ng mga dokumento galing sa Philippine Statistics Authority (PSA), NBI Clearance at Postal ID upang mapanatili nito ang kanyang pagkaka-kilanlan bilang si Jansen Gonzales Tan. Kasong paglabag sa Philippine Immigration laws at iba pang kasong sibil at kriminal ang haharapin ng dayuhan kapag napatunayan na siya ay nagkasala.

​Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng immigration sa BI Main ang nahuling banyaga habang hinihintay ang inquest proceedings sa kanya.

​Sa kabila ng mga nasangkutang isyu ng ahensya ay napatunayan pa rin na marami pa rin sa mga empleyado nito ang may integridad at handang tumupad sa kanilang sinumpaang tungkulin kabilang na rito ang mga immigration officers diyan sa Boracay Caticlan International Airport.

​Isang matinding pagsaludo sa inyo, Guys!