Rob

Rob, kinabahan kay Kit

October 24, 2022 Vinia Vivar 357 views

Matapos masangkot sa kontrobersiya with ex-girlfriend Ana Jalandoni, nagbabalik si Kit Thompson sa pelikulang Showroom ng Vivamax.

Nagkaroon ng virtual mediacon ang pelikula and unfortunately ay hindi naka-attend ang aktor kaya ang kapareha niyang si Rob Guinto ang natanong ng entertainment press hinggil sa mga intimate scene nila sa movie.

Aminado si Rob na kinabahan siya nang malaman niyang makakatrabaho niya si Kit dahil sikat na raw ito.

“Nu’ng una kinabahan ako kay Kit, Kit Thompson ’yon, eh. Maayos naman ’yung eksena namin both. Actually, sobrang bait ni Kit ka-eksena. Siyempre, Kit Thompson, malaking pangalan.

Talagang kinabahan din ako na maka-eksena si Kit,” sabi ni Rob.

Papuro pa niya, “Sobrang friendly ni Kit sa amin and bawat eksena namin talagang nagtulungan din kami kung paano namin maisasalba ang eksena na ’yun. Nagtutulungan kami, lalo na du’n sa eksena namin na nakita n’yo sa trailer. Medyo challenging.”

Asked kung may kinalaman ba ang takot at kaba niya sa balitang nananakit umano ng babae si Kit, ani Rob ay wala namang ganu’n.

“Hindi po. Siyempre, work is work. Hindi ko inisip ’yun. Actually, wala talaga sa isip ko ’yon,” sambit niya.

In fact, habang ginagawa raw nila ang pelikula ay nakita naman niyang mabait ang aktor.

“Si Kit sobrang galing na aktor and kahit off-cam mabait s’ya. Sobrang maasikaso sa mga co-actor and friendly,” depensa ni Rob sa kapareha.

Maraming intimate scenes sina Rob at Kit sa Showroom at ayon pa sa sexy star, talagang tumodo rin siya sa mga eksena nila.

“Ito talaga ’yung pinaka-daring na eksena na ginawa ko. Kasi meron nga ditong eksena na nakita n’yo doon sa trailer. Medyo challenging ’yung nangyari sa amin doon sa eksenang ’yon kaya abangan n’yo,” aniya.

Iikot ang kuwento ng Showroom sa dalawang sales agents na gagampanan ni Rob at ng actress-writer na si Quinn Carrillo.

Magpapatalbugan sila sa pagbebenta ng condominium units to the point na pati ang mga sarili nila ay kanilang ibibigay sa kliyente, makabenta lang.

Mapapanood ang Showroom simula November 11 sa Vivamax.

AUTHOR PROFILE