Hontiveros

Risa kay Duterte: Tumigil ka na sa pagtanggol sa China

April 15, 2024 PS Jun M. Sarmiento 100 views

PINATITIGIL ni Sen. Risa Hontiveros si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa patuloy nitong pagtatanggol at pagbibigay depensa sa China, kahit pa aniya inaabuso at inaagawan na ang ating bansa.

Sinabi pa ni Hontiveros na mismo sa pamahalaan ni Duterte nagmukhang puppet umano ang itsura at imahe ng mga Pilipino sa international community, dahil sa sunud-sunuran ang mga Pilipino sa kagustuhan ng mga Tsino kahit naabuso na ang mga kapuwa Pinoy.

“It was during his (President Duterte) presidency that made the Philippines look like a Chinese puppet in the eyes of the international community,” giit ni Hontiveros.

Nilinaw din niya na walang katotohanan ang mga salita ng dating pangulo na mas maige at mas tahimik ang mga Pilipino at Intsik sa ilalim ng kanyang pamamahala.

Ibinulgar pa ni Hontiveros kung gaano kahirap ang dinanas ng mga mangingisdang Pilipino sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, kung saan sila pa ang napapagalitan ni Duterte kahit binabangga na ng mga Chinese militia ang mga ito sa West Philippine Sea (WPS) upang makapangisda lamang.

Bukod pa sa dinanas na pangaabuso ng mga mangingisda sa panahon umano ng dating pangulo, tumaas pa aniya ang bilihan ng mga isda dahil inaangkat sa Tsina ang mga ito, samantalang sa karagatan ng Pilipinas kinukuha ang mga isdang binebenta pabalik sa mga Pilipino, ani Hontiveros.

Sinisi niya rin kay Duterte kung bakit nagkandahirap ang maraming mangingisda at ang kanilang mga pamilya sa kapaligiran ng WPS, pati na rin ang pagtaas ng presyo ng mga isda dahil aniya sa walang tigil na pagsuporta nito sa China sa lahat ng paraan.

“Tigilan na rin ni Duterte ang pagsasabi na mas maayos ang West Philippine Sea noong panahon niya. It was during his administration that China passed the disastrous fishing ban against Filipino fisherfolk,” giit ni Hontiveros.

Pinaalalahanan din ni Hontiveros si Duterte kung paano naghirap ng husto ang maraming Pilipino, gayundin ang pangha-harass na dinanas ng mga journalist sa pagkuha ng detalye upang mailahad ang katotohanan kung ano ang talagang nangyayari sa gitna ng WPS.

“It was during his time that Chinese Navy vessels armed with missiles chased and harassed Filipino journalists. At marami pang mga insidente ng pananakot at pambabanta na hindi isinasapubliko noon. Pero ngayon ay kitang-kita ang kahangalan ng Tsina,” ani Hontiveros.

Para kay Hontiveros, dapat lamang na ihinto na ni Duterte ang patuloy nitong pagdepensa sa China sa malupit nitong pagtrato sa mga Pilipino sa WPS, kung saan ay iginiit niya rin na wala namang napala ang Pilipino sa pagtatanggol ng dating presidente sa kanyang itinuturing na bestfriend.

“Huwag niya na ipagtanggol ang bestfriend niya. Walang napala ang Pilipinas,” ani Hontiveros.

Matatandaan na inamin ni dating Pangulong Duterte na isang status quo ang napagkasunduan niya sa China sa usapin ng Ayungin Shoal, kung saan ay hindi aniya papayagan na ayusin ang BRP Sierra Madre ngunit walang opisyal na kasunduan.

Ito’y taliwas sa sinabi ng kanyang dating spokesperson, si Harry Roque, na nagbigay kumpirmasyon sa tinatawag nilang “gentlemen’s agreement.”

Si Hontiveros ang may akda ng isang resolusyong humihingi ng agarang imbestigasyon upang alamin kung ano ang nilalaman ng gentleman’s agreement at status quo na pinasok diumano ng dating pangulo sa China kaugnay ng pinagtatalunan na WPS.

“Duterte and his men all have conflicting claims. Ang gulo nilang lahat, parang gobyerno niya noong pinuno siya,” ani Hontiveros.

Sinabi ng senadora na mas lalong dapat imbestigahan ng Kongreso ang isyu upang maliwanagan ang taumbayan sa pinasok na ito ng dating pangulo.