Crime

Rider pinakain ng bala sa harap ng restaurant

September 13, 2023 Jojo C. Magsombol 161 views

DEAD on arrival sa ospital ang isang rider matapos pagbabarilin ng mga di-kilalang salarin habang nakahinto sa harap ng isang restaurant sa Bgy. Buhaynasapa, San Juan, Batangas, Lunes ng tanghali.

Ang biktima ayon sa San Juan town police ay 35-anyos, may asawa, at residente ng Bgy. Ticalan, San Juan.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang 11:30 ng tanghali ng Setyembre 11, 2023 lumabas ang biktima na sakay ng kanyang motorsiklo at huminto sa harap ng entrance ng Butchugan Restaurant nang biglang dumating at makatabi ang isang Honda City color gray na sasakyan.

Mabilis na bumaba ang dalawang di-kilalang lalake at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima ng ilang beses gamit ang hindi pa malamang uri ng baril.

Agarang isinugod ang biktima sa San Juan District hospital para magamot ngunit idineklara itong wala ng buhay ng idating ng attending physician na si Dra. Ronaly G. Tamondong.

Mabilis tumakas ang mga suspek patungo sa di-malamang direksyon.

Nasa pinangyarihan ng krimen ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) team para sa teknikal na imbestigasyon at ang Iron Curtain/Dragnet Operation para sa posibleng pagdakip at pagkakakilanlan ng mga nasabing kriminal.

Nakarekober ang mga otoridad ng tatlong basyo ng bala ng baril sa pinangyarihan ng krimen.

AUTHOR PROFILE