Speed

Globe at SPEEd solid ang partnership para sa 7th The EDDYS

May 19, 2024 Ian F. Fariñas 130 views

GlobeTULUY-TULOY pa rin ang kolaborasyon ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) at Globe para sa taunang pagbibigay-parangal ng The EDDYS.

Ngayong 2024, muling magsasanib-pwersa ang SPEEd at leading telco company na Globe para sa 7th The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) na gaganapin sa Hulyo.

Inaasahang mas magiging malaki at mas exciting ang ikapitong edisyon ng pagbibigay-parangal at pagkilala ng SPEEd sa mga natatangi at de-kalidad na pelikula na ipinalabas noong 2023 kasabay ng pagdagdag nito ng ibang special award.

Ayon kay Yoly Crisanto, chief sustainability and corporate communications officer ng Globe, isa ito sa mga paraan nila upang mas maisulong pa ang kanilang adbokasiya na makatulong sa tuluyang pagbangon ng industriya ng pelikulang Pilipino.

Sabi naman ni Salve Asis, SPEEd president at entertainment editor ng Pilipino Star Ngayon at Pang Masa, mas pagtitibayin ng partnership na ito ang adhikain ng grupo na hikayatin, lalong pataasin ang morale at patuloy na magbigay-inspirasyon sa Filipino filmmakers, producers, writers, actors at iba pang mga kasama sa pagbuo ng isang matino at de-kalibreng pelikula.

Ganundin ang kampanya sa digital movie piracy. Ang Globe ay kinilala ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) para sa hindi matatawarang pangangalaga nito sa intellectual property at paglaban sa digital piracy.

Samantala, kamakailan din ay kinumpirma ng SPEEd na ang aktor at sculptor na si Leandro Baldemor ang gagawa ng tropeo para sa The EDDYS ngayong taon.

Bukod sa pagiging versatile actor, isa ring magaling na iskultur o wood carver si Leandro na mula rin sa kilalang pamilya ng mga visual artist sa Paete, Laguna.

Karamihan sa mga obra ni Leandro bilang isang manlililok ay mga imahen ng Panginoong Hesukristo, ni Virgin Mary at iba’t ibang mga santo na talagang pang-world class ang kalidad at pang-export.

Marami na ring nagawang imahe ng santo si Leandro na nasa iba’t ibang simbahan sa buong Pilipinas.

Sa kasalukuyan ay tinatapos na niya ang tropeo at nakatakda ang unveiling nito bago ang pinakaaabangang awards night sa Hulyo.

Nauna rito, inihayag ng SPEEd, bilang pagkilala sa mga naging bahagi ng muling pagbangon ng movie industry, ang isang special award ngayong taon.

Bibigyang-pugay sa Box-Office Heroes award ang mga pangunahing artista na bumida sa highest-grossing films sa bansa na naging daan upang muling sumugod sa sinehan ang mga manonood at manumbalik ang sigla ng pelikulang Pilipino.

Ang SPEEd ay binubuo ng current at former entertainment editors ng mga leading broadsheet, top tabloid newspaper at online portals sa Pilipinas.

AUTHOR PROFILE