Default Thumbnail

Rain dance, delubyo at lungkot

July 30, 2023 Joey C. Papa 253 views

Bangon kalikasanMay ilan akong narinig na sinisisi ang rain dance na isinagawa ng mga Katutubong Pilipino upang magpadala ng ulan ang ating Inang Kalikasan.

Sa pagkaka-alala ko ay dalawang ulit nilang isinagawa ito dahil kulang ‘umano ang ulan na dumating.

At bumuhos nga ang ulan. Hindi lang ulan kundi bagyo pa. Hindi lang isang bagyo kundi tatlo pa.

Habang isinusulat ito ay inaabangan ng mga kinauukulan sa weather forecasting ang kilos ng bagyong Falcon.

Kahit na hindi nagsagawa ng rain dance ang mga kababayan nating katutubo, talagang uulan at bumagyo pa nga. Kulang-kulang daw sa sampung bagyo pa ang papasok sa bansa matapos ang taon.

Kaya hindi kasalanan ng rain dance ang bagyo. Tag-ulan talaga ngayon baka nakalimutan ng mga kritiko ng rain dance.

Ang kaibahan talaga ngayon, dahil sa global warming at climate change, maraming ulan ang ibinubuhos sa atin ngayon ng kaulapan.

Matindi ang init at alinsangan ang naranasan nitong nakaraang buwan ng Abril at Mayo. Maraming umakyat na tubig sa atmpospera mula sa katubigan ng ating bayan dahil sa init panahon. Evaporation ang tawag dito. Elementary pa lang ay natutuhan ko na ito.

Dahil sa matinding init o global heating, maraming tubig ang naipon sa mga kaulapan. Bumigat naman ang kaulapan kaya kailangan nitong ibagsak bilang tubig- ulan ang mga naipon nito mula sa kalupaan. Condensation naman ang tawag dito.

Kung gaano karaming tubig ang nahigop ng kaulapan, ganoon din karami ang ibabalik nito sa kalupaan.

Normal na proseso lang naman sana ito. Ngunit dahil sa matinding init na dinaranas natin ngayon maging ng ibang bansa, puro matitindi o ”extreme weather conditions” ang nararanasan natin.

Nakaaawa ang mga Pilipino dahil sa trahedya na nangyari sa ating mga kababayan. Taon-taon na lang ay laging may malulungkot na kuwento ang mga Pilipino sa panahon ng climate change.

Kaya nga delubyo na ang tawag ko dito. Parang may masasaktan, masasawi, mawawalan ng tirahan, masisira ang mga pananim at kabuhayan taon-taon na lang.

Mahalagang pag-aralang mabuti ito ng pamahalaan para hindi na lang tayo laging luhaan.

Hindi dapat maging ayuda lamang ang tutukan ng mga kinauukulan. Ang ayuda ay ibinibigay dahil nagkaroon na ng isang delubyo. Bakit hindi natin unahan ang delubyo?

Magtanim ng maraming puno sa mga kagubatan at tigilan na ang pagputol ng nga mga ito. Itigil na rin ang pagbabasag ng mga bundok na gusto yatang patagin.

Ang Inang Kalikasan ang kakampi natin at kalasag sa lupit ng mga nararanasang bagyo. Kung may mga puno sa kagubatan, sisipsipan nito ang tubig ulan at hindi na ito bababa sa mga kapatagan na nagdudulot ng matataas na pagbaha na ikinasisira naman ng maraming kabuhayan at ikinasasawi ng maraming mga Pilipino.

Wala tayong maaasahang lingap sa mayayamang bansa na siyang dahilan ng climate change. Patuloy pa rin ang paggamit nila ng fossil fuel tulad ng coal na siyang pinakamalaking dahilan ng pag-init ng mundo. Tila hindi nila kilala ang mga salitang “climate justice.”

Nasa ating kamay bilang mga Pilipino ang pagtulong sa ating mga sarili at sa bansa. Kung ayaw kumilos ng mga kinauukulan upang pigilan ang patuloy na pagkasira ng ating bansa, tayo nang mamamayan ang magtulungan upang pigilan ang mga ginagawa ng mga “iligal” na patuloy na sinisira ang ating mga kabundukan at kagubatan.

Kung magpapatuloy ang paglapastangan sa ating Inang Kalikasan, patuloy tayong malulungkot taon-taon at luluha na lang kasabay ng pagbuhos ng malalakas na ulan.

‘Di na ba tayo matututo?

AUTHOR PROFILE