Quiboloy

QUIBOLOY DI PO KAYO ANAK NG DIYOS

February 8, 2024 People's Tonight 123 views

Na exempt sa awtoridad ng estado, ipinaalala ni Hontiveros

IPINAALALA ni Sen. Risa Hontiveros sa televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy na hindi ito exempted sa batas ng estado.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, nagpalabas si Hontiveros ng subpoena laban kay Quiboloy, ang self-proclaimed “Appointed Son of God.”

Ito ay matapos na hindi dumalo si Quiboloy sa pagdinig ng komite noong Enero 23 na siyang nag-udyok kay Hontiveros upang ipaalala rito na siya ay saklaw ng batas ng estado.

Iginiit ni Hontiveros na dapat humarap si Quiboloy sa pagdinig at sagutin ang mga akusasyon ng human trafficking, rape, sexual at physical abuse na nangyayari sa kanyang pinamumunuang Kingdom of Jesus Christ.

“Kayo Pastor ang dapat humarap sa susunod na pagdinig because you are being subpoenaed by this committee. Hindi po kayo anak ng Diyos na exempt sa awtoridad ng estado,” sabi ni Hontiveros.

“Kahit ang Korte Suprema ay walang kapangyarihang pigilan ang ganitong inquiries ng Senado, at ang pag-require sa mga taong humarap dito. Like any ordinary witness, you, of course, can invoke the right against self-incrimination only when and as the incriminating question is propounded,” wika pa ng senadora.

Tinawag na kawalan ng paggalang sa Senado ni Hontiveros ang hindi pagdalo ni Quiboloy sa pagdinig.

Sinabi ni Hontiveros na ang imbestigasyon ay hindi isang religious persecution kundi isang pagdinig kaugnay ng posibleng paggamit umano sa paniniwala upang malabag ang karapatan ng mga taga-sunod.

Kumpiyansa naman si Hontiveros na patuloy na makikipagtulungan ang mga testigo, kasama na ang mga dating miyembro ng KOJC, sa isinasagawang pagdinig ng komite.

Nanawagan din ni Hontiveros sa iba pang biktima na humarap sa pagdinig ng Senado.

Iginiit ng kampo ni Quiboloy na ang pagdinig ay politically motivated at isa umanong trial by publicity.

Ipinalabas ng komite ang subpoena upang mapilitang humarap si Quiboloy. Kung hindi pa rin dadalo ay maaaring magpalabas ng warrant of arrest laban sa Pastor.

Si Quiboloy ay wanted sa Federal Bureau of Investigation dahil sa kaugnayan umano nito sa labor trafficking scheme sa Amerika.

AUTHOR PROFILE