Default Thumbnail

Publiko hinimok tangkilikin mga public market sa Maynila

October 13, 2022 Edd Reyes 214 views

HINIMOK ni Market Administration Office (MAO) Officer-in-Charge (OIC) Zenaida Mapoy ang publiko na sa loob ng mga pampublikong pamilihan sa lungsod mamalengke sa halip na sa malalaking malls at supermarket.

“Kasi, kung sila po ay may air-condition, tayo naman po sa ating mga palengke ay may sariwang hangin o fresh air dahil napakalinis na po ngayon ng ating mga Pamilihang Bayan at wala na kayong maaamoy na lansa o ikasasama ng inyong pakiramdam, dahil ito po ang mahigpit na tagubilin ni Mayor Honey Lacuna-Pangan,” pahayag ni Mapoy.

Ayon sa kanya hindi dapat mangamba ang mga mamimili sa pagbili ng mga karne sa loob ng mga palengke dahil palagiang nagsasagawa ng pagi-inspeksiyon sina Dr. Nicanor Santos, Jr. ng Veterinary Inspection Board (VIB) upang tiyaking sariwa at malinis ang mga panindang karne.

Araw-araw aniya ay nag-iikot ang mga tauhan ng Special Enforcement Squad ng VIB upang tiyaking hindi madadaya ang mga mamimili sa ilaw na kulay dilaw na inilalagay ng mga vendors para palabasing sariwa ang kanilang paninda.

“Sa mga araw po na wala sila, meron naman po tayong mga kawani na umiikot para tingnan naman ang kanilang mga panindang karne kung may tatak ng NMIS at kung wala nito, itatawag na nila kay Dr. Nick at alam na po ng VIB ang kanilang gagawin,” dagdag pa ni Mapoy.

Mahalaga din aniya na sa loob ng mga pamilihang bayan mamili ang mga consumers dahil makasisiguro silang hindi sila madadaya at makakatulong din ito upang matigil na ang pag-okupa ng mga illegal vendors sa lansangan at bangketa sa paligid ng mga palengke.

Hindi aniya dapat mangamba kung sa gabi o madaling araw mamalengke ang mamamayan dahil lahat aniya ng mga pampublikong pamilihan sa Maynila ay pinalagyan na ng ilaw ni Mayor Honey kay City Electrician Engr. Randy Sadac.

Bagama’t matibay pa rin aniya ang disenyo o istraktura ng mga pampublikong palengke, ang ilan ay may kinakailangan ng kumpunihin at ito naman ay mabilis na naisasakatuparan nina City Engineers Armando Andres at Joseph Bulanon ng City Engineering Office ng Lungsod ng Maynila.

“Kaya po nagpapasalamat ako sa ating Mayora Honey Lacuna-Pangan dahil po dati, ang mga kawani ay sumusuporta sa ating mga halal na opisyal pero sa ngayon po, ang ating Mayora, suportadong-suportado ang aming tanggapan at alam ko naman na ramdam din ito ng iba pang opisyal,” pahayag pa ni Mapoy.

AUTHOR PROFILE