BBM3 Si Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. kasama ang mga bagong miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas na nanumpa sa kanya Miyerkules, May 01, 2024. Kuha ni YUMMIE DINGDING / PPA POOL

PBBM pinaghahanda PFP sa 2025 elections

May 2, 2024 Chona Yu 85 views

PINAGHAHANDA na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang mga kapartido sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) para sa eleksyon sa Mayo 2025.

Ayon kay Pangulong Marcos, mahalagang makapagsimula na silang bumuo ng mga komite para paghandaan ang eleksyon.

Ayon sa Pangulo, magsisimula na ang paghahain ng kandidatura sa buwan ng Oktubre kaya asahan na magiging maliwanag na sa mga susunod na buwan kung aling partido pulitikal sa bansa ang kanilang magiging kaalyansa o koalisyon.

Nais ni Pangulong Marcos na magkaroon na sila ng malinaw na lineup ng mga kandidato mula sa national hanggang local level o sa Congress, municipal at city levels pagdating ng Oktubre para aniya makapagplano nang maayos.

Naniniwala si Pangulong Marcos na hindi nagbabago ang gusto ng taongbayan na pagkakaisa at ayaw na ng mga ito na nag-aaway-away.

Dahil dito, isinusulong aniya ng partido ang adbokasiya tungo sa pag-unlad at ikabubuti ng bansa, pagpapaganda ng ekonomiya, pagbabantay sa pang araw-araw na buhay ng bawat Filipino at pakikipaglaban sa karapatan ng bansa sa international scene.

Kinumpirma ni Pangulong Marcos na nakikipag-usap na siya sa iba pang lider ng ibat-ibang partido pulitikal.

Kumbinsido si Pangulong Marcos na mahihikayat niya ang ibang partido pulitikal na makiisa at maging kapartner ng kanilang partido na PFP.

AUTHOR PROFILE