Default Thumbnail

‘Akyat-bahay’ nilimas bahay ng pulis-Maynila

October 12, 2022 Melnie Ragasa-limena 278 views

NABIKTIMA ng hindi pa kilalang mga miyembro ng “akyat-bahay” ang isang pulis-Maynila, habang mahimbing na natutulog kasama ang asawa sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City, Martes ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si P/Cpl. Mark Beryl Tallod Garcia, 36, nakatalaga sa District Personnel and Records Management Division/Training Section ng Manila Police District (MPD), at residente ng Bgy. Tandang Sora, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Pat. Jordan A. Barbado ng Talipapa Police Station (PS-3) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-5:00 ng umaga (Okt. 11), nang madiskubre ng pulis na nilooban ng mga kawatan ang kanilang tahanan sa nasabing lugar.

Nakita ng pulis ang aluminium na hagdanan sa bintana ng kanilang kusina kung saan dumaan ang mga kawatan.

Natangay ng mga supek ang isang unit ng Glock 17 9mm Gen 4 na loaded ng magazine at may walong bala, itim na Adidas backpack na may lamang P2,000, set ng iPod charger, portable bike tire inflator, mga t-shirt, tatlong susi, at isang electronic key.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad at naghahanap na rin ng naka-install na CCTV (closed-circuit television) camera sa lugar upang matukoy ang mga kawatan.