Suarez Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez Source: Cong. David Jayjay Suarez District Office Express FB

PONDONG INALIS SA 4Ps PUPUNAN

March 24, 2024 People's Tonight 78 views

Supplemental budget itinulak ni DS Suarez

PINAG-AARALAN ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez ang paghahain ng panukalang supplemental budget upang mapunan ang P9 bilyong kakulangan ng pondo sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), bunsod ng ginawang paglipat ni Sen. Imee Marcos sa budget nito noong 2023.

“A supplemental budget can address the 4Ps crisis created by Sen. Marcos’ realignment of P13 billion from the program to other social amelioration endeavors of the government that left 843,00 families or 4 million poor Filipinos without financial support,” ani Suarez.

“Hindi kaya ng sikmura natin na tiisin ang apat na milyong Pilipino na hindi nakakatanggap ng kanilang pondo sa 4Ps na mandato ng isang batas. Hindi dapat lalong lumala ang level ng kanilang paghihirap dahil may mga buwan o taong hindi nila natatanggap ang tulong na dapat sana ay para sa kanila,” dagdag pa nito.

Sa pagdinig ng House committees on public accounts at social services noong nakaraang linggo kaugnay ng privilege speech ni 4Ps Party-list Rep. JC Abalos, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kulang ng P9 bilyon ang pondo para sa 4Ps.

Kinumpirma ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na inilipat ni Sen. Marcos ang P13 bilyong pondo ng 4Ps noong 2013 sa ibang programa ng ahensya, gaya ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at iba pang quick response to calamities.

Sinabi ni Suarez na hindi ginalaw ng Kamara ang budget para sa 4Ps noong 2023.

“Now I don’t know what happened in the Senate, why all of a sudden P13 billion was slashed… Ayun ang malungkot. Ngayon hindi ko alam kung paano natin ilalarawan ang isang sitwasyon na ninakawan natin ang isang mahirap. Kasi kalimitan, ang mga mayaman ang ninanakawan,” sinabi ni Suarez sa pagdinig.

“Kaso lang hindi dapat ninanakawan ang mahihirap. Kasi wala na nga silang pera… Tatanggalan pa natin sila ng dapat nila matanggap. Sa palagay ko, hindi kaya ng sikmura ko ‘yan,” dagdag pa nito.

Ipinunto ng mambabatas na ang 4Ps ay hindi lamang isang programa ng DSWD kundi nakabatay sa batas — ang 4Ps Act.

Ipinaliwanag ni Suarez na ang layunin ng Republic Act No. 11310, o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act, ay bawasan ang mahihirap na pamilya sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda na mayroong kondisyon.

Ang bawat pamilya ay isasama sa listahan ng 4Ps beneficiaries ng hanggang pitong taon lamang.

“Dapat ‘yung matatanggap nila buwan-buwan, natatanggap nila. ‘Yung assistance na dapat matanggap nila, natatanggap nila. Kasi oras na may pagkakataon na mayroong puwang o may gap doon sa buwan na hindi nila natanggap, pwedeng lumala ‘yung level ng kahirapan nila,” sabi ni Suarez.

“Kumbaga, unti-unti po natin silang inaakyat. Tapos mabutasan ka na ng ilang buwan, babalik na naman sa stage 1 ‘yun,” saad pa nito.

“Kaya nga hindi ko po masikmura ‘yun ang nangyari na bakit natin ninakawan ng pondo ‘yung mga mahihirap,” giit pa ng kongresista.

AUTHOR PROFILE