Pic AYUDA SA AIRPORT – Isang personnel ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang nagbibigay ng ayuda sa dalawang senior citizens bilang bahagi ng programang Oplan Biyaheng Ayos ng Department of Transportation (DOTr). Courtesy ng CAAP

Mga paliparan nasa heightened alert

March 24, 2024 Jun I. Legaspi 142 views

LAHAT ng 44 na paliparan na pinamamahalaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ay nasa heightened alert na simula Linggo, March 24, hanggang Marso 31 para sa Oplan Biyaheng Ayos ng Department of Transportation (DOTr) ngayong Semana Santa.

Inatasan ng CAAP ang lahat ng service chief at airport managers ng CAAP-operated airports na magpatupad ng 24/7 operations, direct communication lines at “no leave policy” para matiyak ang kaligtasan, seguridad, reliability at ginhawa ng mga pasahero.

Para ma-accommodate ang pagdagsa ng mga pasahero, naglagay ng Malasakit Help Desk sa mga paliparan at naka-standby ang mga medical team para sa mga emergency.

Ang CAAP, kasama ang mga lokal na awtoridad, kabilang ang Philippine National Police-Aviation Security Unit (AVSEU), Office of Transportation Security (OTS), Department of Tourism (DOT), Civil Aeronautics Board (CAB) at mga airlines, ay trinabaho ang koordinasyon para sa mahusay na pagproseso ng mga pasahero, lalo na sa mga check-in counter.

Batay sa datos mula sa Aerodrome Development and Management Service, nakapagtala ang CAAP ng 3.1 milyong pasahero mula Marso hanggang Abril 2022, habang ang mga manlalakbay sa himpapawid ay umabot sa 4.4 milyon sa parehong panahon noong 2023.

Sa taong ito, inaasahan ng CAAP ang pagtaas ng pito hanggang 10 porsyento ng dami ng mga dagdagsang pasahero sa panahon ng Semana Santa.

Hinihikayat ang mga pasahero na planuhin nang maaga ang kanilang mga biyahe ngayong Semana Santa at dumating sa paliparan ng tatlong oras bago ang kanilang flight.

AUTHOR PROFILE