Fajardo

PNP, sisilipin ang ‘pagliban’ ng security aides ni Degamo

March 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 246 views

PINAIIMBESTIGAHAN ng Philippine National Police (PNP) ang ilang security guard ni Negros Oriental Governor Roel Degamo ang pagliban o pag-absent ng mga ito sa trabaho sa araw na napaslang ang opisyal sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Pamplona.

Ito ay matapos na manawagan si House Speaker Martin Romualdez ng House inquiry sa kabiguan ng ilang police security escorts ni Degamo na pumasok sa trabaho noong Marso 4, kung kailan napatay ang opisyal.

Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, patuloy ang ginagawa nilang imbestigasyon sa kaso.

Aniya, ang inisyal na impormasyon na natanggap nila ay may apat na naka-detail na security para sa gobernador na nagpapalitan ng duty sa pagpasok.

“Patuloy ‘yung ginagawa nating investigation sa initial information na ating natanggap na apat ‘yung naka-detail kay Governor Degamo na security detail subalit palitan sila, relyebohan,” pahayag ni Fajardo.

Titingnan umano ng PNP kung talagang totoong may “deliberate” na lumiban sa kanyang security detail sa araw ng insidente.

Sa panig ni Romualdez, sinabi niyang nakakapagtaka na tatlong police escort ni Degamo ang wala nang mapatay ang opisyal samantalang alam ng lahat na matindi ang banta sa buhay ng gobernador.

Aniya, tila alam daw ng mga suspek na “kulang sa proteksiyon” ang biktima sa araw na siya ay pinatay.

Sa ngayon, sinabi ni Fajardo na ang apat na naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) at nag-execute na rin ng extrajudicial confession at nagbigay ng “vital” at mahahalagang rebelasyon patungkol kung sino ang “mastermind” sa insidente.

May 12 pa aniyang suspek ang tinutugis ngayon ng PNP batay sa rebelasyon ng mga naunang nahuling suspek.

Una nang sinabi ni Police Regional Office (PRO) 7 spokesperson P/Lieutenant Col. Gerard Ace Pelare nitong Sabado na apat o lima pang suspek na may direktang partisipasyon sa pagpatay kay Degamo ang kanilang hinahanap at pinaniniwalaang hindi pa nakakalabas ng Negros Oriental.

Matatandaang si Degamo ay napatay habang nagbibigay ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” (4Ps) sa kanyang mga nassakupan sa loob mismo ng kanyang tahanan.

Bukod sa gobernador, walong iba pa ang nasawi sa pamamaril ng mga suspek.