Lotto Photo source: CNN Philippines file photo

PNP execs kinalampag sa ‘illegal na sugal’ sa Capiz

June 10, 2021 People's Tonight 619 views

Kampo Crame — Ipinasisilip sa pamunuan ng Pambansang Pulisya dito ang umano’y patuloy na pamamayagpag ng iligal na sugal sa lalawigan ng Capiz na nasa loob ng Panay Island kinukonsinte umano ito ng lokal na kapulisan.

Ayon sa sumbong na nakarating sa PNP headquarters sa kampong ito ay mga bookies umano ng lotto at Small Town Lottery ang pinagbabasehan ng iligal na sugal na milyong piso ang arawang kubransa sa buong lalawigan.

“Lantaran ang pagpapataya ng bet collectors kahit may pandemya nang hindi man lang hinuhuli,” pahayag ng isang alkalde sanasabing probinsiya na nakiusap na ‘wag banggitin ang kanyang pagkakakilanlan para sa kanyang seguridad.

Sinabi nitong mga opisyal umano ng PNP ang ipinangangalandakan ng operator ng iligal na sugal na kanyang mga “kasangga” kaya hindi umano hinuhuli ang kanyang iligal na sugal.

“Ayaw kong maniwalang protektado ng nasabing mga opisyales ang iligal na sugal, pero nagtataka lang ako kung bakit hinahayaan lang nila ang nasabing iligal na gawain na kadalasan ay makikitang lumalabag pa sa health protocol ang bet collectors tulad ng hindi pagsuot ng face mask at social distancing kasi magkakaangkas pa sila sa motorsiklo,” pahayag pa ng nagsumbong na alkalde.

Ayon sa kanya, isang taga-Pampanga ang financer ng nasabing iligal na sugal.

Pinasinungalingan naman ng mga local na opisyal na may konsinte ang iligal na sugal at sinabing noon man at ngayon ay malinaw ang panuntunan na hindi hahayaan ang anomang uri ng iligal na gawain sa lalawigan ng Capiz.

AUTHOR PROFILE