Gutierez

‘PINAS UMANGAT SA GLOBAL IMPUNITY INDEX

November 1, 2023 People's Tonight 428 views

Ranggo ng bansa, tataas pa–PTFoMS

POSITIBONG umangat ang ranggo ng Pilipinas sa Global Impunity Index na inilabas ng Committee to Protect Journalists (CPJ) sa unang taon ng administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Batay sa 2023 Global Impunity Index na inilabas ng CPJ nitong Oktubre 31, 2023, umangat sa ika-8 posisyon ang Pilipinas kumpara sa ika-7 posisyon nito noong 2021 at 2022, ang huling dalawang taon ng administrasyon ni Pang. Rodrigo Duterte.

Sa kabila nito, sinabi ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director, Paul M. Gutierrez, na ang resulta ay nagpapatunay na marami pa ring dapat gawin ang pamahalaang Marcos upang mapabuti pa ang estado ng pamamahayag sa bansa.

Aniya pa, patuloy ang gagawing ‘close collaboration’ ng PTFoMS sa lahat ng mga organisasyon sa loob at labas ng bansa katulad ng CPJ at United Nations upang maipaabot ang mga ginagawang hakbang ng admininistrasyon para sa kaligtasan at kapakanan ng lahat ng mamamahayag.

We have been very cooperative and transparent with the CPJ and other credible international groups such as the United Nations (UN) looking into the state of the Philippine media, supplying them with all the relevant data and updating them on the courses of action we have done to address impunity.

“We shall continue to adopt this policy of transparency and close collaboration with any group, and we hope to see a more significant positive change in our standing moving forward,” ani Gutierrez sa kanyang pahayag.

Aniya pa, magiging gabay din ng ahensiya ang utos ni Pang. Bongbong Marcos sa PTFoMS na sikaping mabawasan, at sa kalaunan ay maalis, ang lahat ng panganib sa mga mamamahayag at sa kanilang pamilya. Ang direktiba ay ibinigay ng Pangulo kay Gutierrez sa ika-7 anibersaryo ng PTFoMS nitong Oktubre 11.

Hinimok din ni Gutierrez ang CPJ na tingnan ang estado ng pamamahayag sa ibang mga lugar katulad ng nangyayaring kaguluhan sa Gaza kung saan, ayon na rin sa CPJ, 31 mamamahayag na ang nasawi bunga ng gera sa pagitan ng Israel at Hamas na sumiklad nitong Oktubre 7.

Aniya, sa umiiral na sitwasyon, hindi malayong malampasan ng mga napatay na midya sa Gaza ang bilang ng 32 mamamahayag sa Pilipinas na napaslang noong 2009 sa Ampatuan Massacre.

“Meanwhile, the number of journalist fatalities in Gaza alone, if not promptly addressed, would inevitably surpass the 32 journalists killed in the Philippines in 2009,” punto ni Gutierrez.

Batay sa CPJ report, ang 12 pangunahing bansa sa kanilang 2023 Impunity Index ayon sa pagkakasunod ay binubuo ng:

Syria, Somalia, Haiti, South Sudan, Afghanistan, Iraq, Mexico, Philippines, Myanmar, Brazil, Pakistan at India.

Kaugnay ng paggunita sa masaker, sinabi ni Gutierrez na sa tulong Presidential Communications Office (PCO) naghahanda sila ng isang programa sa darating na Nobyembre 23 upang ipaalala sa mga Pilipino ang kahalagahan ng malayang pamamahayag at pagbibigay hustisya sa mga biktima ng karahasan.

Idinagdag pa ng opisyal na 3 pang regional media safety summit ang ikinasa ng PTFoMS hanggang katapusan ng taon para sa mga kasapi ng media sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Sa darating na Nobyembre 7, isasagawa ng PTFoMS ang media safety summit sa Tagaytay City para sa mga mamahayag sa Central Luzon at Southern Tagalog, matapos ang matagumpay na media summit sa National Capital Region nitong nakaraang Setyembre.

AUTHOR PROFILE