Default Thumbnail

PEKENG SIGARILYO NAGKALAT SA CENTRAL LUZON

August 12, 2023 Marlon Purification 607 views

Marlon PurificationHARINAWAY makatulong ang impormasyong ito sa mga kaibigan natin sa Philippine Affiliate of Philip Morris International (PMFTC) at Japan Tobacco Inc. (JTI) na dalawa sa pinakamalaking manufacturers ng sigarilyo sa Pilipinas.

Ang kanilang produkto, partikular na ang Philip Morris, Marlboro (PMFTC) at Winston (JTI) ang may pinakamalaking benta sa merkado ng paninigarilyo.

Ang masaklap, hayagang pinepeke ng mga sindikato ngayon ang kanilang produkto at ang mga ito ay nakabase sa Bulacan at Nueva Ecija.

Iba-ibang grupo ang nasa likod ng sindikatong ito pero iisa ang kanilang layunin —-ang kumita ng pera sa pamamagitan ng pagbebenta ng pekeng sigarilyo na malaking dagok din sa ekonomya ng bansa.

Maraming nagsasabing masama ang sigarilyo sa katawan. Kaya nga iyong iba ay nagsilipatan na para naman manigarilyo ng vape na sinasabi rin ng ilang health expert na higit na mas may malaking risk sa ating kalusugan.

Itong industriya ng sigarilyo sa bansa ay mistulang naghihingalo na.

Makailang ulit na silang pinatawan ng mataas na buwis mula sa tinatawag na Sin Tax Law.

At dahil mataas ang buwis, naipapasa sa ‘end user’ ang presyo ng produkto kaya ultimo malilit nating kababayan na ginagawang pampaalis ‘stress’ ang pagyoyosi ay napipilitang bumili ng mataas na halaga ng sigarilyo.

Sa dami ng problema ng ating mga kababayan ngayon, higit lalo ang nakalulumpong kahirapan, hindi natin sila masisisi kung są yosi na lang minsan nila inihihinga ang sama ng loob at kanilang pinagdaraaan.

Kung dati’y P35 ang presyo kada kaha ng sigarilyo, ngayo’y umaabot na ito sa P60 pero pack o mas mataas pa likha ng Tax Reform Law.

Wala namang magawa ang mga kompanya ng sigarilyo para kontrahin ang pataas na pataas na presyo ng yosi sa Pilipinas.

Kaya’t sa ayaw nila’t sa gusto, sinusunod nila ang obligasyon sa pamahalaan. Nagbabayad sila ng tamang buwis na napakalaking tulong sa ekonomya ng Pilipinas.

Masyadong ‘unfair’ na makarinig pa sila ng balitang sa kabila ng pagbabayad ng tamang buwis, ‘religiously,’ ay may mga grupo namang pilit sinasalbahe ang kanilang mga produkto.

Sa isyung ito, hindi lang kompanya ng yosi ang agrabyado rito kundi ‘at risk’ din nito lalo ang kalusugan ng ating mga kababayan.

Maituturing na isa rin itong economic sabotage dahil iyong may-ari at naglalabas ng tunay na produkto ay nagbabayad ng tamang buwis, samantalang itong sindikato ng pekeng produkto ay kahit singkong duling wala silang naiaambag są ating kabang yaman.

Nagkalat na ngayon sa buong Central Luzon ang pekeng yosi.

Ibig sabihin, ‘infested’ ng pekeng sigarilyo ang pitong probinsiya ng Gitnang Luzon tulad ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales.

Ang catch, sa Region 3 lamang ang source ng pekeng yosi at nakatatawid pa ito sa iba’t ibang rehiyon at probinsiya.

Ibig sabihin, sa Region 3 lamang ang ‘main source’ at ang kanilang produkto ay nagkalat na sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Ang isa sa pasimuno ng pamemeke ng yosi ay isa umanong Chinese national na nakabase sa Bongabong, Nueva Ecija.

In fairness sa Police Regional Office (PRO) 3 na pinamumunuan ni Brig. Gen. Jose Hidalgo, Jr., ay nagsasagawa naman ng raid ang pulisya. Gayundin ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame.

Pero maaaring kulang pa ito dahil hindi talaga nahuhuli ang pinaka-source o utak ng krimen.

Sa kabila ng ilang serye ng raid, eto’t tuloy uli sila sa illegal nilang operasyon.

Ibig sabihin, ultimo mga alagad ng batas ay napaglalaruan ng mga loko-lokong ‘to!

Kaya ang payo natin sa kapulisan ngayon ay targetin mismo ang ugat at huwag tayong makuntento lamang sa bunga.

Para sa kaalaman ng lahat, ang mga pekeng yosi po ay hindi lang sa mga sari-sari store nabibili ngayon sa Region 3, kundi mayroon na rin ito sa mga grocery at ilang convenience store.

Ang sabi pa ng ating impormante, iyong ibang huli ng pulis ay sila pa ang nagbebenta sa merkado.

Para raw itong mga ‘recovered shabu’ na nire-recycle ala-Ninja Cops.

Malaki ang ‘intelligence fund’ ng PRO3 at naniniwala tayo na kung higit pang magseseryoso ang kapulisan sa kanilang trabaho, mas magandang maiparada sa kanilang ‘press briefing’ ay ang pag-aresto sa umano’y Chinese businessman.

Dapat isama rin sa operasyon ang mga representante ng PMFTC at JTI upang sila mismo ang maging saksi kung sapat na ba ang ginawang raid o kulang pa!

Alam ko rin na kayang ipag-utos ito ni Gen. Hidalgo sa tao niyang si Regional Special Operation Group (RSOG) chief Col. Jay Dimaandal!