Default Thumbnail

PEKENG PILAY LOLO KILLER PALA

February 26, 2023 Edd Reyes 311 views

PATRAYDOR na binaril sa likod ng lalaking nagpapanggap na pilay ang 78-anyos na lolo na naglalakad lamang sa lansangan Linggo ng umaga sa Malabon City.

Patay kaagad ang biktimang si Reynaldo Zuniega, residente ng 469 Alejereza St. Sampaloc, Manila sanhi ng tinamong apat na tama ng bala sa likod habang mabilis na tumakas ang suspek na nakasuot ng itim na jacket, pulang t-shirt at itim na jogging pants na naiwan pa ang hawak na dalawang tungkod.

Sa naging pahayag ng 68- anyos na testigong ginang kina P/Ssgt. Bengie Nalagoc at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued ng Malabon Police Investigation Section, naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Arellano St. Brgy. Baritan dakong alas-5:58 a.m. nang sundan ng salarin na nagkukunwaring pilay, hawak ang dalawang tungkod, at pa-traydor na binaril sa likod subalit hindi tumama ang unang putok.

Nagtatakbong patakas patungo sa Borja St., Brgy. Baritan ang biktima subali hinabol siya ng suspek na iniwan na ang hawak na tungkod at nang abutan ay apat na ulit na pinaputukan na tumama na sa likod ng matanda.

Nakuha ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar na pinangyarihan ng pagpatay ang apat na basyo ng kalibre .45 pistola at ang gamit na tungkod ng suspek na susuriin ng forensic experts kung may makukuhang fingerprints.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa nangyaring pagpaslang habang nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Malabon Police para sa pagkakakilanlan at ikadarakip ng salarin.

AUTHOR PROFILE