Azurin1

Patuloy na pagbaba ng krimen, ‘hiling’ ni Azurin sa Pasko

December 15, 2022 Zaida I. Delos Reyes 92 views

ANG patuloy na pagbaba ng bilang ng krimen sa bansa ang natatanging hiling ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin Jr. ngayong kapaskuhan.

Sa isang panaham sa radyo, sinabi ni Azurin na matutuwa siya kung hanggang sa pagtapos ng taon ay magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng krimen.

“Siguro para sa sarili ko, matutuwa ako kung ang pagbaba ng krimen ngayong almost patapos ang taon ay tuloy-tuloy, kasi nakita naming tuloy-tuloy ang pagbaba ng krimen,” pahayag ni Azurin.

Kaugnay nito, hinimok ng PNP chief ang kanyang mga tauhan na maging masigasig sa kanilang trabaho.

“Kaya ine-encourage ko ang aming kapulisan sa huling araw ng taon na ito, dapat maging masigasig pa sila sa pagtatrabaho nila, ibigay nila yung best nila because ito yung unang pasko na magce-celabrate tayo after the very critical na pandemiya, na kung saan hindi tayo nakakalabas,” dagdag pa ni Azurin.

Batay sa datos ng PNP, mula Enero 1 hanggang Disyembre 9 ay mayroong 36,806 bilang ng focus crimes, mas mababa ng 2.84% sa dating bilang na 37,881 kaso noong 2021.

Ang focus crimes ay kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, robbery, theft, vehicle theft, motorcycle theft, at rape.

May pinakamalaking bilang ng pagbaba ng krimen ang Visayas na nasa 6%, sumunod ang Mindanao na mag 3% at ang Luzon na may 1.24%.

Ayon sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), ang Police Regional Office in Central Visayas (PRO 7) ay nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng pagbaba ng krimen sa 17 rehiyon sa bansa.

Mula Enero hanggang Dis. 9, nakapagtala ang PRO 7 ng 3,633 focus crimes, bumaba ng 10.65% o 433 kaso kumpara sa nakalipas na taon na may 4,066 kaso.

Ang PRO 7 din ang nakapagtala ng malaking bilang ng nakumpiskang droga mula Enero Hanggang Nob. 30 na umaabot sa P866.16 million.

Upang mapanatili ang pagbaba ng krimen, inatasan ni Azurin ang lahat ng police commanders na magtalaga ng puwersa sa mga lugar na matatao at puntahan ng publiko upang sila ay mabantayan.

“At the same time, they (police) need the help of the citizens to reduce crime or eliminate crime in their respective areas because everyone deserves to enjoy this Christmas season after the pandemic,” ani Azurin.