Paolo Contis

Paolo, hinamon ang bashers: Subukan nilang sabihin sa harap ko ’yun, I dare them!

June 24, 2023 Vinia Vivar 307 views

Dedma lang si Paolo Contis sa kaliwa’t kanang bashings na natatanggap niya ngayon. Aniya ay hindi siya talaga naaapektuhan lalo pa nga’t hindi naman siya lubusang kilala ng mga basher.

“As I’ve said, bashing ay wala sa akin. Hindi ko alam kung bakit paulit-ulit n’yo tinatanong. Hindi ba kayo naniniwala na wala akong pakialam sa nagba-bash sa akin?” sey ni Paolo sa red carpet premiere night/mediacon ng latest film niyang Ang Pangarap Kong Oskars.

“Wala talaga. I mean, kasi alam ko naman ‘yung mga mali ko, eh,” sey pa niya.

Ang mas mahalaga raw sa kanya ay ang sinasabi ng mga taong kilala niya.

“Kung nakausap ko na ‘yung nanay ko, kung nakausap ko na ‘yung mga malalapit sa ‘kin who, more or less, kapareho ng mga nasabi (ng bashers) pero hindi naman ako isinuka, ‘di ba? These are the people who I listen to,” ani Paolo.

Pero aminado siya na nagbabasa siya ng mga comment sa kanya at nag-e-enjoy pa nga raw siya. Alam din niyang kaya matatapang ang mga basher ay dahil nga nakatago sila sa likod social media at hindi sa harapan.

“Kasi, hindi sila masasapak sa mukha, eh habang sinasabi nila ‘yun,” aniya.

“Subukan nilang sabihin sa harap ko ‘yun, kung ano ang mangyayari sa kanila. I dare them!” paghahamon pa ng aktor.

Samantala, hindi rin naman apektado ang career ni Paolo ng katakut-takot na bashings dahil patuloy pa rin ang pagdating ng mga proyekto sa kanya.

Bukod nga sa isa siya sa hosts ng rebranded Eat Bulaga ng Tape, Inc. ay heto’t may bago siyang pelikula under MAVX Productions.

Kakaibang trip sa kababalaghan at katatawanan ang pelikulang Ang Pangarap Kong Oskars mula sa direksyon ni Jules Katanyag.

Nakasentro ang istorya nito sa kwento ni Bobby B (Paolo) na gustong patunayan na kaya niyang makagawa ng isang pelikulang maaaring makapaglagay sa Pilipinas sa international movie stage.

Sa tulong ng kaibigan niyang si DMZ (Joross Gamboa), gagawa sila ng pelikula kahit kapos sa pondo at suporta ng mga tao sa industriya.

Showing na sa June 28 ang Ang Pangarap kong Oskars. Kasama rin dito sina Long Mejia, Kate Alejandrino, Faye Lorenzo, Jon Santos at marami pang iba.

AUTHOR PROFILE