Default Thumbnail

Panawagan

January 14, 2024 Joey C. Papa 121 views

Bangon kalikasanSasali na rin ako sa panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, na huwag ituloy ang sinasabing “modernisasyon” ng mga pampasaherong jeepney na magdudulot ng kawalang hanapbuhay sa may 30,000 mga tsuper at operator ayon sa mga samahan ng mga ito.

Hindi ko maintindihan kung bakit ipinipilit ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board o LTFRB ang pag-aalis ng mga traditional na jeepney sa ating mga lansangan.

Iniimbestigahan na ito ng House of Representatives sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez Jr. at mga kasama nitong kongresista.

Nakapagtataka rito ang pamimilit. Kung ayaw sumama sa kooperatiba, huwag pilitin ng LTFRB. Yung gustong sumama sa kooperatiba, sumali lang. Walang pilitan.

Lumaki ako sa pampaseherong jeep at bus. Mura lang ang pamasahe at madaling sumakay sa kahit saang sulok ng Kamaynilaan. Mula elementary hanggang kolehiyo ay tradtional na jeep ang sinasakyan ko. Nagkatrabaho ako, jeep pa rin ang naghahatid sa akin sa trabaho at tahanan namin.

Naidagdag dito ang mga pampublikong mga sasakyang bus. Ngunit sa pangkalahatan, ang mga dyip ang makikita sa mga lansangan kahit anumang oras maging noon pa man.

Modernisasyon? Bakit mga “mini-bus” ang ipapalit o ipinalit na ng mga kooperatiba? Bakit sa bansang Tsina binibili o bibilihin ito? Ito ngayon ang ilan sa ipinasisiyasat ng House of Representatives.

Mayroon naman tayong Sarao at Francisco Motors na ipinakita na ang moderno nilang jeepney na hindi nabago ang tradisyunal na itsura ng mga pampasaherong jeepney.

Gawang Pilipino ang mga modernong dyip ng Francisco at Sarao Motors. Nadagdagan ang bilang ng upuan ng mga pasahero, may air-condition na rin kundi ako nagkakamali at may sasakyan at babaan na rin sa tagiliran ngunit disenyo ng jeepney sa pangkabuan ay ‘yong dati pa rin. At electric vehicle pa umano ito! Wala nang polusyon! Nakatutuwa ito!

Kung bibilihin ito ng mga tsuper ang makabagong traditional na jeepneys, wala pa umanong isang milyon ang halaga kung ihahambing sa halos 2milyong halaga ng sinasabing “modernong” jeepney o “mini-bus”.

Maglulunsad muli ng kilos protesta ang isang samahan ng mga tsuper, ang Manibela. Inaabangan pa ang anunsyo ng Piston para naman sa kanilang sariling protesta o baka kalaunan ay magsama na ang dalawang organisayon para sa gagawing malawakang protesta sa lansangan.

Sana’y dinggin ng Malakanyang ang daing ng mga tsuper at operator. Magugutom sila at kanilang mga pamilya kung hindi na sila papayagang pumasada sa ating mga kalsada at tatawagin silang kolurom sabi ng LTFRB.

Hindi ba ito’y unconstitutional na aalisan mo ng hanapbuhay ang libo-libong mga tao? Ipinagbabawal ng LTFRB ang paghahanapbuhay? Hindi ba’t mabuti ngang may hanapbuhay ang ating mga kababayan? Mapapakain ba ng LTFRB ang mga tsuper, operator at mga pamilya nila kung aalisan nila ng hanapbuhay ang mga ito?

Sabi nga ng mga kabataan ay “weird!” May hanapbuhay pero aalisan ng hanapbuhay! Ang isang problema nga ng bansa natin ngayon ay ang kawalang-hanapbuhay at ngayon ay aalisan ng hanapbuhay ang mga naghahanapbuhay! Weird nga!

Sabi pa ng mga kabataan, “may something” kaya diyan sa modernisasyon na ‘yan?

At bakit nga naman sa bansang Tsina pa bibili ng mga “modernong jeepney” o “mini-bus” ang mga nagsusulong ng modernisasyon? May “something” nga ba diyan?

Malaki ang magagawa ni Pangulong Marcos Jr sa malubhang isyung ito. Nananawagan ako na kagyat siyang umaksyon dito upang mapigilan ang nakaambang malaking krisis sa hanapbuhay at transportasyon.

Sinabi na nga sa akin ng isang kasambahay ng isang kaanak na nahihirapan na siyang sumasakay ngayon sa Commonwealth Avenue sa QC sa umaga patungo sa kanyang trabaho na dati namang hindi. Nabawasan na rin daw ang bumibiyahe sa lansangang ‘yon na hindi naman dating ganoon. Sa tingin niya ay may ilang tumitigil pasada na bilang protesta sa “modernisasyon sa mga lansangan ngayon kahit hindi pa inaanunsyo ang isang malawakang tigil-pasada.

Isulong ang mga modernong sasakyan na hindi nababago ang disenyo ng tradisyunal na jeepney! Tiyak akong hindi magiging mahal ang pamasahe ng mga ito kumpara sa mga “mini-bus” ng mga “kooperatiba” ng jeepney modernization.

Aanhin mo ang modernization kung marami naman ang magugutom?

AUTHOR PROFILE