PCG Paiigtingin ng Philippine Coast Guard ang presensiya nito sa West Philippine Sea (WPS) ayon kay Commodore Jay Tarriela. (File photo)

Pagpapalakas ng presensiya ng PCG sa WPS, mananatili

February 25, 2023 Zaida I. Delos Reyes 259 views

TULOY-tuloy ang pagpapalakas at pagpapanatili ng presensiya ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS) bilang bahagi ng pangako ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na protektahan ang teritoryo ng bansa.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa WPS, magsasagawa sila ng tuloy-tuloy na pagpapatrolya upang mapangalagaan ang exclusive exonomic zone o EEZ ng bansa at maprotektahan na din ang mga mangingisdang Pinoy na kadalasan ay biktima ng “pambu-bully” at “harassment” ng Chinese Coast Guard (CCG).

“Then and now, the Philippine Coast Guard has intensified our presence in the West Philippine Sea, with the guidance of our President (Ferdinand R. Marcos Jr.),” pahayag ni Tarriela sa isang news forum sa Quezon City.

“We still have that commitment that we are going to comply with the directive of our President that no square inch of our territory will be surrendered to any foreign powers,” dagdag pa ni Tarriela.

Sa pinakahuling ulat, nanatili ang presensiya ng CCG sa WPS kung saan mayroong 30 hinihinalang maritime militia ship ang namataan ng PCG matapos ang isinagawang maritime domain awareness flight nitong Martes sa Ayungin Shoal.

Ayon sa ulat, mayroong 26 Chinese maritime militia vessels ang namataan sa Sabina Shoal at apat sa Ayungin Shoal.

Nakatanggap din umano ang PCG aircraft ng “inaudible” english radio challenges mula sa CCG-5304 dahilan upang mag-isyu din ang PCG ng radio challenge upang iparating sa CCG na nagsasagawa sila ng maritime domain awareness flight kasabay ng pag-uutos sa mga Chinese vessel na linasanin ang lugar.

Matatandaang nitong February 6, tinutukan ng “military-grade” laser ng CCG ang PCG patrol vessel na BRP Malapascua dahilan upang pansamantalang mabulag ang crew nito.

Sa ngayon, sinabi ni Tarriela na ipinapaubaya nila sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagde-determina kung ang hakbang ng CCG ay “provocative,” “aggressive,” o isang uri ng “harassment.”

“This is the job of the Department of Foreign Affairs; how are they going to label this kind of behavior from the Chinese,” paliwanag ni Tarriela.