Aga

Pagdalaw ni Willie, ’di isyu para kay Aga

March 3, 2022 Ian F. Fariñas 402 views

HINDI big deal para kay Aga Muhlach ang napabalitang pagdalaw at pakikipag-usap sa kanya ni Willie Revillame para kumbinsihin umano siyang sumama sa bagong network ni dating Sen. Manny Villar.

Sa virtual mediacon kahapon para sa ikalawang show ni Aga sa Net 25 na Bida Kayo Kay Aga (ang isa pa ay ang game show na Tara Game Agad-Agad), sinabi ng aktor na walang isyu du’n dahil matagal na nga silang magkaibigan ni Willie.

“Willie and I are good friends. Right now, I’m focused and I’m happy with Net 25. As long as they like me, as long as gusto nila ako and ang services ko is okay pa with them, I will remain with them. That I can say,” paglilinaw ni Aga.

Hindi raw naman siya ganu’n (na basta-basta na lamang lilipat) dahil lahat ng requests niya ay ibinigay naman ng Net 25.

“So, in terms of other stations, priority ko ang Net 25. Ngayon kung magkakaroon ng ibang show, magpapaalam ako sa kanila. ’Yun ang delikadeza kong ’di na nawala,” giit niya.

Telebisyon nga ang focus ni Aga sa ngayon dahil dito raw siya mas napapalapit sa masa. Pero inamin din niya na may standing offer siya na gumawa ng isang napakalaking pelikula na kung hindi ngayong taon at sa 2023 simulan.

“Gagawa lang ako ng pelikula ’pag ’di na takot ang mga tao na lumabas at manood ng pelikula (sa mga sinehan. Sa ngayon, tv muna,” dugtong niya.

Masaya raw si Aga dahil matagal na niyang gusto na mag-host ng isang game show at gumawa ng isang show kung saan bida ang mga ordinaryong Pilipino na tahimik na tumutulong sa kapwa.

Maging ang misis niyang si Charlene, na matagal-tagal na ring ’di aktibo sa showbiz, handa na ring magbalik-eksena kung mabibigyan ng tamang proyekto.

Sa ngayon, busy daw si Charlene sa pag-aasikaso at pagpapagawa sa isang property na malapit sa bahay nila.

Ang mga anak naman nila na sina Atasha at Andres, tuloy ang pag-aaral sa UK at Spain, respectively.

Common knowledge na pare-pareho silang tinamaan ng Covid-19, pati ang panganay ni Aga na si Luigi, pero sa tulong ng mga kaibigang doktor ay nakaraos ang pamilya Muhlach. Maayos na nga ang lagay nilang lahat at masaya si Aga na unti-unti nang nagbubukas muli, ’di lang ang ’Pinas kundi ang buong mundo para bumangon sa krisis.

“Kapit lang, God is good,” aniya.

Nang tanungin kung may kinalaman ba ang Bida Kayo Kay Aga! o may balak ba siyang sumabak sa pulitika, sagot ng aktor, “Para sa akin ang bida kasi is ’yung mga taong gumagawa ng katubihan na walang announcement, ’di ipinapakita ang pagtulong. Ito ’yung mga taong tahimik, ’di sila vloggers, there’s nothing wrong with that, again, pero ito ’yung mga taong hinuhuli namin, they do acts of kindness na nagba-viral.

“Marami na masyadong nangyayari sa politics. We’re too divided already. I’m glad that I’m doing shows that are feel-good shows because of what’s happening around us.”

Tama na raw na kaisa siya ng Net 25 sa paghahatid ng saya at good vibes.

“’Wag na tayong gumawa ng issues. That’s why I’m with them,” patuloy ni Aga.

AUTHOR PROFILE