Default Thumbnail

PAG-IBAYUHIN ANG FLOOD CONTROL PROJECT SA HALIP PAG-INITAN ANG MGA KAAWA-AWANG RIDERS!

August 3, 2023 Marlon Purification 350 views

Marlon PurificationMARUNONG tayong mag-motor pero hindi tayo rider!

Gayunman, marami tayong kakilala, kaibigan, kapatid at kasamahan sa trabaho na motor ang ginagamit na ‘service’ sa kanilang paghahanapbuhay.

Maganda ang layunin ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes para pagbawalan ang lahat ng mga riders na sumilong sa lahat ng overpass at footbridge dahil malaki naman talaga ang tyansa na ikapahamak ito ng motorista.

Umaayon tayo sa kanyang suwestiyon na dapat sumilong ang mga riders sa ilang gasolinahan na dapat payagan din ng mga ‘gasoline owners’ bilang bahagi ng kanilang ‘corporate social responsibility.’

Pero nag-aalala po tayo dahil agad-agad minadali ni Artes ang nasabing kautusan.

Katunayan, may ilang riders na ang natikitan ng mga MMDA law enforcers.

Mabigat na pasanin ito sa mga kababayan nating riders dahil ang multa mula sa violation na ‘traffic obstruction’ ay P1,000.

Magkano lang ba ang kinikita ng isang rider?

Ang alam ko, ang P1,000 ay higit pa sa ‘full tank’ na gasolina ng kanilang mga motor.

Napakalaking bagay po ang P1,000 sa mga riders na karamihan sa kanila ay mga naghihikahos sa buhay. Karamihan sa kanila ay isang kahig, isang tuka o są literał na pangungusap ay kung hindi magtatrabaho sa isang araw ay tiyak walang kakainin ang kanilang pamilya.

Halos dalawang linggong binayo ng Bagyong Egay at Falcon ang ilang bahagi ng Luzon. Hindi man ito direktang tumama sa Metro Manila ay binomba rin tayo ng malalakas na busos ng ulan.

Kitang-kita po ng dalawang mata ko habang nagmamaneho tayo ng sasakyan kung paano sinalubong ng mga riders ang malalakas na buhos ng ulan, maiwasan lamang silang matikitan ng mga traffic enforcers.

Iyong iba sa kanila ay may mga ‘rain gears,’ pero iyong iba ay talagang wala.

Mga single rider o may angkas na riders ang sumusuong din sa panganib na likha ng ulan at dulas ng kalsada na hindi pinahintulutang sumilong sa ilalim ng footbridge o overpass.

Uulitin ko po, naniniwala tayo na maganda ang layunin ng MMDA kaya sila pinagbabawalang sumilong sa mga overpass.

Pero sana naman, bago gawin ang mahigpit na pagpapatupad sa kanilang polisiya ay magkaroon muna ng masinsinang pag-aaral at serye ng pampublikong pandinig.

Imbitahan ang lahat ng ‘stakeholders’ para makaroon pa ng maraming alternatibong solusyon kung saan puwedeng sumilong ang mga riders kapag bumubuhos ang ulan.

Hindi po lahat ng kalsada ay may gasoline station at hindi po lahat ng riders ay binabagtas ang EDSA kung saan ay may ‘motorcycle lay by’ na kung susumahin ay kulang na kulang pa rin para sa mga kababayan nating nagmo-motor.

Sa kasalukuyan, mahigit sa P1.8 milyon ang mga nakarehistrong sasakyan at mahigit ding 1.5 milyon ang riders na nagmamaneho sa lansangan.’

Totoong posibleng makaakit ng aksidente ang pagsilong ng mga riders sa mga footbridge o ilalim ng overpass.

Pero alam na naming mga motorista na sa tuwing bumubuhos ang ulan ay may mga riders na sumisilong sa bawat footbridge o overpass.

Kaya alalay din kaming mga motorists sa pagmamaneho hindi lamang upang bigyang daan ang pagsilong ng mga riders, kundi umaalalay kami dahil alam naming Malays ang buhos ng ulan.

Tama na nakasasagabal sila sa daloy ng trapiko.

Pero kung susumahin, hindi lang po mga riders ang nagpapasikip ng daloy ng trapiko kundi may malaking ambag diyan ang mga lubak-lubak na kalsada, basura, ginagawang kalsada, baha at marami pang iba na kasama rin sa ‘mandate’ ng MMDA para patinuin o ayusin.

May nakita na ba tayong ‘tinikitan’ o pinagmultang kontraktor dahil sa pinayabaan nilang proyekto sa kalsada na isang malaking ‘obstruction’ din sa daloy ng trapiko?

Bakit ang mga maliliit na riders ang inyong pinag-iinitan?

Uulitin ko po.

Sinusuportahan natin na huwag payagan ang mga riders na sumilong sa ilalim sa tuwing bamubuhos ang malalakas na buhos ng ulan.

Pero bago sana ipatupad ang mahigpit na polisiya ay magkaroon muna ng masinsinang pag-uusap sa lahat dahil naniniwala tayong sa pamamagitan ng maayos na ‘public hearing,’ magkakaroon ng komprehensibong solusyon.

Siyanga pala, kumusta naman kaya ang napabayaang 33 dredging projects na hindi nagawa at natapos ng MMDA?

Umabot sa P825 million ang pondo rito at dahil hindi nagawa nang maayos ang naturang proyekto, nagtatapon pô tayo ng P27 million bilang multa o penalty sa inutang na proyekto.

Kabuuang 47 ang dredging projects o paglilinis sa estero ang pinondohan ng P825 million, pero 14 na proyekto lamang ang naipagawa at napabayaan ang 33 proyekto.

Isa rin iyan sa dahilan kung bakit mabilis tumaas ang tubig baha sa buong Kalakhang Maynila.

Hindi ba dapat mas ‘urgent’ o mabilisang pagpapatupad sa MMDA policy ang pagsugpo sa baha, bago sana pag-initan ang mga pobreng riders sa lansangan?

Ano tingin n’yo, mga tropang riders?