SMNI

P100,000 SAHOD MONTHLY

December 4, 2023 People's Tonight 170 views

SMNI anchors na inakusahan ng fake news kaugnay sa ginastos sa biyahe ni Speaker Romualdez

SUMASAHOD ng P100,000 kada buwan ang anchors ng Sonshine Media Network International (SMNI) na inakusahan ng fake news kaugnay sa paggastos umano ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng P1.8 bilyon sa mga biyahe nito.

Ayon sa legal counsel ng SMNI na si Mark Tolentino, sina Jeffrey “Ka Eric” Celiz at ang co-host nitong si Lorraine Badoy sa programang “Laban Kasama Ang Bayan” ay sumasahod ng tig-P100,000 kada buwan.

Inihayag ni Tolentino ang impormasyon sa pagtatanong sa kanya ni Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez sa pagdinig ng House committee on legislative franchises noong Nobyembre 30.

Sinabi ni Tolentino na sina Celiz at Badoy ay hindi ikinokonsiderang empleyado kundi mga talent ng SMNI. Ang “Laban Kasama Ang Bayan” ay umeere araw-araw ng 90 minuto.

Si Celiz ang nagpalutang na gumastos ng P1.8 bilyon si Speaker Romualdez sa mga biyahe nito. Inamin naman ni Celiz na mali ang impormasyong ito.

Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, ang mga miyembro at empleyado ng Kamara ay gumastos lamang ng P39,605,123 sa mga biyahe mula Enero hanggang Oktobre ngayong taon.

Sa halagang ito, sinabi ni Velasco na P4.347 milyon lamang ang ginastos ng Office of the Speaker, malayo sa sinasabing P1.8 bilyon ni Celiz.

Sa pagtatanong ng mga mambabatas, sinabi ni Celiz na mayroon itong dalawang source. Isa ang unlisted at ang isa ay dati na nitong source na empleyado ngayon ng Senado.

Sinilip naman ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop ang posibleng paglabag ng SMNI sa Code of Conduct ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Bagama’t ang SMNI ay miyembro umano ng KBP, hindi umano nito accredited ang kanilang mga anchor kaya hindi dumaan ang mga ito sa seminar kaugnay sa responsableng paglalahad ng impormasyon.

Inamin ni Celiz na siya ay hindi accredited ng KBP.

Humingi rin si Celiz ng paumanhin kay Speaker Romualdez at sa Kamara matapos himukin ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel.

Sa kabila ng paghingi ng paumanhin ni Celiz, itutuloy naman ng komite ang pagdinig nito kaugnay sa posibleng paglabag ng SMNI sa prangkisa nito.

“So very clear dito, bawal po sa prangkisa ninyo na magsabi sa publiko ng mga maling reports or deliberately false information,” sabi ni Pimentel, vice chairman ng komite.

“Now, Mr. Chair, my question is to the SMNI: why should you not be held liable when it is very clear that you have violated Section 4 of your franchise?” tanong ni Pimentel.

Ang SMNI ay nag-o-operate sa ilalim ng 25-taong prangkisa na ibinigay ng Kongreso noong Agosto 2019 sa Swara Sug Media Corporation of the Philippines.

AUTHOR PROFILE