Ople

Ople, tumulak papuntang Sudan

April 25, 2023 Jun I. Legaspi 282 views

Para tulungan ang mga naipit na OFWs

BUMIYAHE nitong Martes, Abril 25 si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople para mangasiwa sa pagtulong ng pamahalaan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa kaguluhan sa Sudan.

“Ang Department of Migrant Workers ay magkakaroon ng iba’t-ibang pangkat na binubuo ng mga opisyal na bihasa sa pagtugon sa mga ganitong uri ng krisis at kagipitan, para tulungan ang mga OFWs sa Sudan na makalikas sa mas ligtas na lugar,” ayon kay Ople.

Sa pakikipag-ugnayan ni Ople kina Philippine Ambassador Ezzedin Tago at sa Department of Foreign Affairs (DFA) ay tutukuyin kung saan isasagawa ang “cross-border assistance” na katatayuan naman ng mga pangkat ng DMW.

Sinabi rin ni Ople na pagtawid sa border ay makatatanggap ng US$200 ang mga na-displace na manggagawa roon, habang aalamin din ang iba pa nilang mga pangangailangan sa kanilang “reintegration” o pag-uwi sa Pilipinas.

Nakipag-ugnayan na rin ang DMW sa Ministry of Human Resource and Social Development (MHRSD) sa Kingdom of Saudi Arabia para sa posibilidad na mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga manggawang Pilipinong naapektuhan ng kaguluhan sa Sudan.

Ang Welfare Assistance Team ni Ople ay pangungunahan ni Undersecretary Hans Leo Cacdac, OWWA Administrator Arnell Ignacio, at ni Labor Attache Roel Martin na nakatalaga sa Jeddah, Saudi Arabia.

Binanggit din ni Ople na paunang pangkat lamang ito at maaari pang madagdagan oras na maisaayos ang mga visa at iba pang travel document.

AUTHOR PROFILE