Anna

Online seller, level up bilang certified TV host

April 4, 2023 Ian F. Fariñas 360 views

LEVEL up na ang online seller na si Anna Magkawas, CEO ng Luxe Beauty and Wellness Group, dahil isa na siyang full-fledged TV host na may sariling segment, Kanegosyo with Anna, sa programang Negosyo Goals ni Gerry “Mr. Freeze” Santos sa AllTV.

Kwento ni Gerry, nagkakilala sila ni Anna sa isang event.

Nagkatabi lang sila sa dressing room at dahil likas na makwento, napag-alaman ni Gerry ang istorya sa likod ng success ni Anna kaya naman mabilis niya itong inirekomenda sa producers niyang sina Ivy Ataya at Joyce Selga ng Makers Mind Media Production.

“Sabi ko ang ganda ng success story niya, kung paano siya nagsimula, so sinabi ko kina Ivy, manager ko. Maganda ‘to, ano, pwede ‘to ma-interview sa segment. Tapos nag-meeting sila. Tapos ‘yun, nakita namin na okay, ‘yun, binigyan namin siya ng… co-host sa mga 13 episode.

Ayun, ganu’n ang nangyari. Kasi ang dami rin niyang followers, eh,” lahad ni Gerry.

Bale sa luxury bags ng mga artista nagsimula ang negosyo ni Anna at doon din siya nakilala. Eventually, nag-venture siya sa beauty and wellness business.

Akala ng marami, matagal na siya sa larangang ito, pero actually, isa’t kalahating taon pa lamang daw ang Luxe Beauty and Wellness Group.

Dahil sa tagumpay niya, gustong tumulong ni Anna sa mga simpleng tao na maging successful din sa iba’t ibang larangan ng pagnenegosyo.

Sa Kanegosyo with Anna, itatampok ang iba’t ibang mga produkto, business tips at inspirasyon para sa mga susubok pa lamang pumalaot sa pagnenegosyo.

Hindi nga raw makapaniwala si Anna na seryoso ang alok ng grupo nina Gerry na kunin siyang segment host.

Kwento niya, “Akala ko as a guest lang talaga. Nagulat ako nu’ng tawagan na ako nila Miss Ivy na sabi nila, ‘kukunin ka po namin as a segment host.’ So magkakaroon ako ng sarili kong segment, which is, hindi ako makapaniwala. Sabi ko, ‘hindi po ba kayo naru-wrong number? Anna Magkawas po ba talaga? Kasi ako ay TikTokerist tapos biglang papasok ako into hosting. Ang layo naman sa normal na ginagawa ko. Hahaha! So, of course, halong excitement, saya and kaba, pero gusto ko siya. So, oportunidad siya for me, eh. Nakikita ko siya as magandang opportunity. So, bakit ko tatanggihan?”

Nang tanungin si Gerry kung ano ang nakita niya kay Anna, ang sagot niya: Humility.

Marami raw kasing napupunta sa ulo ang success sa negosyo.

“So, sabi ko, okay ‘to. Kailangan ng inspiration ng mga Pilipino, eh. Gaya niya, ‘pwede pala akong maging ganu’n.’ ‘Yun naman ang kailangan natin sa bansa, ‘yung ma-inspire ang mga tao,” diin pa ni Gerry.

Ang Negosyo Goals ay napapanood tuwing Linggo, 11:30 a.m., sa AllTV.

AUTHOR PROFILE