Quevedo

Obispo pumalag sa hiwalay-Mindanao ni Duterte

February 19, 2024 People's Tonight 102 views

KINONDENA ni Cotabato Archbishop-emeritus Orlando Quevedo ang isinusulong na panukala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas na isa umanong kabaliwan.

Sa isang kolum sa CBCP News na may petsang February 17, inihayag ng obispo ang mariing pagtutol sa panukala ni Duterte.

“I believe that preserving the nation as one, with all regions, cultures, religious traditions, social classes, and tribes contributing to the common good, serves the best interests of all Filipinos,” ani Quevedo.

Ayon pa kay Quevedo, ang mga nakalipas na pangyayari ay taliwas sa argumento sa hinihinging kasarinlan ng rehiyon.

Kung ang pangunahing isyu umano sa paghiwalay ay kaugnay sa pag-unlad ng ekonomiya, sinabi ni Quevedo na dapat sana ay tinugunan ito ni Duterte at ng iba pang opisyal na mula sa Mindanao. Ang kawalan umano ng aksyon ay nagpapakita rin ng kawalang interes o kabiguan na bigyang-pansin ang usapin.

Habang ang ekonomiya at politika ang sinasabing dahilan sa pagsusulong ng kasarinlan ng Mindanao, inihayag naman ni Quevedo ang buong suporta ni Chief Minister Ahod Ebrahim ng Bangsamoro Transition Authority sa pagpapanatili sa pambansang integridad sa teritoryo at soberenya ng Pilipinas.

“A Bangsamoro territory within the national territory benefits from the protection and assistance of the national government, as well as support for economic, social, and cultural development,” paliwanag pa ni Quevedo.

Binigyan diin naman ni Quevedo ang pangangailangan ng pambansang pamahalaan ng paglalagak ng mas malaking pondo para sa pang-ekonomiya at panlipunang pag-unlad sa Mindanao, lalo na para sa mga katutubong pamayanan na kabilang sa mahirap na sektor sa lipuna.

Panawagan pa ng obispo sa pamahalaan ang pagbabago ng atensyon mula sa “Imperial Manila” tungo sa pagbibigay ng prayoridad sa pang-ekonomiyang pag-unlad ng Mindanao.

Sinabi pa ni Quevedo na bagama’t wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang mga obispo ng Mindanao kaugnay sa usapin ay naniniwala siyang kapareho din ng kanyang pananaw ang mga kapatid na obispo sa rehiyon.

AUTHOR PROFILE