Quiboloy

MGA TESTIGO VS QUIBOLOY MAY PASABOG

February 19, 2024 PS Jun M. Sarmiento 175 views

MATINDING pasabog ang mga rebelasyon sa Senado matapos lumutang ang ilan sa mga testigo laban sa tinatawag nilang Appointed Son of God na si Apollo Quiboloy na siyang founder at leader ng religious group na Kingdom of Jesus Christ (KOJC), sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality nitong Lunes, Pebrero 19.

Si Senator Risa Hontiveros ang chairman ng nasabing komite at ang nag-file ng Senate Resolution No. 884 na humahawak sa naturang imbestigasyon laban kay Quiboloy at sa KOJC dahil sa iba-ibang krimeng kinasasangkutan diumano, tulad ng sexual abuse, human trafficking, rape, fraud, labor exploitation at iba pang uri ng physical abuse.

Ayon kay Hontiveros, naguumpisa pa lamang aniya ito, matapos mapirmahan ang subpoena kailan lamang ng pangulo ng Senado na si Sen. Juan Miguel Zubiri

Sa pahayag ni Hontiveros bilang chairperson ng nasabing komite, aniya, “Hindi po ako papayag na maitsapwera ang tapang at lakas ng loob na inipon ng mga victim-survivors para lang unahin ang mga bangayan sa pulitika.”

Apat na bagong testigo ang humarap sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kung saan ay nadawit na rin ang pangalan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin si Vice President Sara Duterte at ang kontrobersiyal na Sonshine Media Network International (SMNI) na umano’y pag-aari ng Swara Sug Media Corporation na kamakailan ay naharap sa masusing imbestigasyon sa Kamara de Representates.

Ang witness na si alyas “Rene” ang isa sa mga lumantad sa Senado kung saan ay nabanggit nitong nakita niya mismo si dating Pangulong Duterte at noon ay Davao Mayor Sara Duterte na pumupunta umano sa Glory Mountain ni Pastor Quiboloy. Siya’y na-assign sa naturang lugar bilang landscaper ng pastor dahil hindi siya nakapagbigay umano ng “quota.”

“Nagi-guilty ako mag-recruit ng iba pang kabataan. Gusto ko ng umuwi sa amin pero sa isang banda po wala na din akong mapupuntahan dahil iniwan ko na ang pamilya ko. Noong nahalata nila na ako ay may agam-agam, pinadala nila ako sa central headquarters sa Davao. Akala ko matutupad na ang pangako nila sa akin na papagaralin sa Jose Maria College (JMC) pero dinala lang pala ako sa Glory Mountain kung saan dito dinala ang mga sanctioned workers o ‘yung hindi nakaka-quota,” ayon sa testigo.

“Ako po ay naging landscaper ni Quiboloy sa Glory Mountain at doon ko na po naranasan ang pananakit mismo ni Quiboloy pag hindi po nagandahan sa aming landscaping sa mansyon… Sa Glory Mountain dumating si Quiboloy sakay ng chopper, may dala po siyang malalaking bag na laman po ay iba-ibang uri ng baril at nilalatag po ito sa tent na katabi po ng mansyon niya. Minsan po pumupunta doon din si former President Rodrigo Duterte at former Davao Mayor Sara Duterte. Pag umalis na sila doon sa Glory Mountain, dala na po nila ‘yung mga bag na siya pong bag na nilalagyan ng mga baril,” paglalahad ni Rene sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Ayon pa kay Rene, siya’y umanib sa KOJC noong 2015. Bago nito ay naging miyembro siya ng Keepers Club International, na kilala bilang youth organization sa Tacloban City.

“Nag-alok sila ng fake scholarship para maenganyo ang mga kabataan. Pag nahumaling ka na sa kanila ay unti-unti na nilang ipakikilala si Apollo Quiboloy na siya daw ang anak ng Diyos at siya ang may-ari ng Sanlibutan. Pumasok ako ng full time ministry sa paniniwalang iyon at buong pusong inalay ko ang aking sarili sa Kingdom,” dagdag nito.

Pinagtapat ni Rene na sa murang edad, si Quiboloy at ang KOJC ay pinagtatrabaho diumano ang mga bata bilang taga limos na tinatawag ding miracle workers.

Nagpapalimos umano sila sa mga kalye, restoran at mga plaza na may hinahabol na quota na hindi bababa sa P3,000 kada araw. Napipilitan pa umano silang magpanggap na pipi at bingi para tumaas ang limos araw-araw.

“P3,000 ang aking goal every day, na kailangan ko ito makamit. Nagpanggap akong pipi at bingi. Kung hindi ko maabot ang aking goal ay papaluin ako at di ako papakainin,” ani Rene.

Binulgar din niya na milyon ang binibigay sa kanilang quota kapag sasapit na ang Setyembre hanggang Disyembre. Ang limusan diumano ay magsisimula ng alas-8 ng umaga hanggang 11 ng gabi.

Hindi na siya nakapagpatuloy sa pag-aaral bunga ng sobrang pagod para lamang maabot ang quota na hinihingi sa kanila, aniya.

Noong 2020, nalipat aniya siya sa iba kung saan ay minolestiya siya diumano.

“Dito po ako nakaranas ng sexual abuse… Sinumbong ko ito sa executive secretary… pero di ako pinaniwalaan. Bagkus pinagalitan at sinampal dahil grabe na daw ang yawa sa loob ko. Pinag-fasting ako ng pitong araw ng walang kain,” ani Rene.

Gayunman, sa kalagitnaan ng 2020 ay nalipat siya sa SMNI sa Makati bilang researcher kung saan nagtrabaho siya sa newsroom mula 8 ng umaga hanggang 4 ng hapon at puwersadong mamalimos mula 6 hanggang 11 ng gabi diumano.

“Si Tina San Pedro po ang boss namin sa SMNI. Honorary youth po ang tawag sa amin at P200 to P300, depende po sa mood, ang binibigay sa amin weekly. Wala po kaming 13th month pay, walang holiday pay, SSS, PhilHeatlh at no contract of employment,” paglalahad ni Rene.

Ayon naman kay alyas “David,” lolo niya sa Quiboloy dahil kapatid nito ang lola niya at sila ang mga unang taga sunod ng KOJC na nakabase sa Bicol.

“Nagsimula po ako sa KOJC at nakapasok noong 12 years old ako kasi pioneering po ang magulang ko sa Bicol at pinakaunang miyembro po sa Bicol ‘yung lola ko. ‘Yung lola ko ‘yun ang kapatid ni Pastor Quiboloy. Diyan po ako nagsimula sa Keepers Club tapos dating mga games lang po na-iinvite kami palagi na nasundan na ng fund raising at nagbibigay na rin ng paninda. Nagsimula na ko magtinda ng pastillas, mga candy, macapuno, tapos minsan sinasama nila ako mag-carolling pag Christmas,” ani David.

Nilahad niya na nilipat din siya sa logistic department at na-promote siya sa studio sa Davao City kung saan siya natutong maging cameraman.

“That time na-promote po ako. Nag-aral po akong maging cameraman sa broadcasting. Dahil nga po cameraman ako sa media, meron daw po akong girlfriend sa media kasi bawal nga po daw ‘yun. Kasi through mobile, nag-report ‘yung reporter ko na meron daw akong ka-text mate na taga-RPN 9 na reporter pero hindi po iyon totoo. Tapos hinold nila ako noon. Hindi na nila ako pinag-duty… 14 po kami na magkakasama, tinorture nila kami,” ani David.

Ipinagtapat din niya na isa umanong pamangkin din ni Quiboloy ang siyang nagsasagawa ng pag-torture diumano sa pamamagitan ng utos sa video call ni Quiboloy.

Pinagtapat naman ni alyas Jackson, isang kasalukuyang elected barangay chairman, na kinilala niya ang isang pinagkakatiwalaan ni Quiboloy at taga-torture umano ng mga gustong tumiwalag na miyembro ng KOJC.

Inilahad niya na noong una ay balak niyang paikutin ang komite ni Hontiveros at magpapanggap na witness, pagkatapos ay ilalaglag ang kaniyang testimonya para magmukhang walang kredibilidad ang pagdinig, ngunit nagbago umano ang isip nito matapos marinig ang ilan sa kaniyang mga kasamahan na pinatay na lamang.

“Balak ko po sana magiging traydor po sa inyo. Buti na lang humingi ako ng sign sa Diyos at nanalangin talaga ko. Si… isang right hand ni Quiboloy… Pati sa mga sundalong kaibigan siya ang humaharap. Pati mga baril na binibili nila siya ang nagaasikaso,” ani Jackson.

“Meron po siyang sinabi sa akin na talagang nagalit po ako. Naaalala ko ‘yung mga worker na kasama ko na pinapapatay… Sinabi niya, kayo lahat na mga nagtestigo diyan alam na namin sino kayo. Tapos sabi niya sabihin mo sa mga kasama mo na mga testigo namuhay kayo ng peaceful, payapa, tapos sasali kayo diyan, hindi natin alam mayroon riding in tandem na tatabi sa inyo. Kilala namin kayo,” dagdag ni Jackson.

Ito umano ang nagtulak sa kanya na kampihan na ang komite ni Hontiveros dahil sa takot na rin na baka siya na ang kasunod sakaling gawin niya ang sarili niyang parang pain para sirain si Hontiveros at ang pagdinig nito.

“Naalala ko po ‘yung mga worker na kasama kong pinagpapatay,” ani Jackson.

Sinabi niya na pare-pareho ang istilo ng pagpatay sa mga ito na dalawang bala ang itinatanim sa ulo gamit ang M16 diumano.

Isang testigo naman ang naglahad na menor de edad siya noong nakuha siya ni Quiboloy bilang pastoral member ng KOJC sa pamamagitan ng mga tauhan nito.

Binanggit niya ang mga pangalan na sina Ate Jack at isa pang Ate Pani na umano’y taga kumbinse upang ang mga pastoral na babae ay makipagtalik kay Quiboloy upang umano’y makapasok sa heavenly kingdom.

“Ate Pani asked me if I had sexual experience. I said no, I don’t know anything. She told me not to be scared. You need to have sex with Pastor,” paglalahad ni alyas Iona, upang makapasok umano sa langit.

Sinabi naman ni Hontiveros na patuloy niyang ilalaban ang mga biktimang ito ni Quiboloy.

Sinabi ni Senator Robinhood Padilla sa pagdinig na dapat magpakita ng mukha ang mga nagaakusa kay Quiboloy, dahil kahit minsan umano ay walang katotohanan na hiningan siya ng pastor ng kahit anong halaga.

Sinabi ni Hontiveros na huwag matakot ang mga biktima at pinagtanggol din ng senadora ang mga ito sa pagsabing napakarami na nilang tinatanggap na banta sa kanilang buhay matapos magsabi ng kanilang dinanas sa gitna ng pagdinig laban kay Quiboloy.

“Ang hinihingi po natin ay managot na si Quiboloy para mailigtas ang mga iba pang biktima na nasa kanya pang poder. Mga biktima na hanggang ngayon nanlilimos sa mga mall, terminal bus at lansangan para masustentuhan ang private jet, foreign trips at mansion ng tinitingala nilang lider. Mga babae at menor de edad na ginahasa dahil ‘yan daw ang kanilang sakripisyo para sa Diyos,” ani Hontiveros.

Pinasalamatan ni Hontiveros si Senate President Juan Miguel Zubiri sa pagpirma nito sa subpoena laban kay Quiboloy, kung saan ay inilahad din niya na isang normal na gawain ito ng Senado mula pa sa mga naunang pangulo ng mataas na kapulungan, sa mga nagdaan pang liderato.

Sa gitna ng pagdinig, inalam din ni Hontiveros sa Immigration Department kung na-monitor ng mga ito ang pag-travel ni Quiboloy. Kinumpirma naman na base sa kanilang record, ang huling biyahe ng pastor ay noong July 22, 2023, at naririto umano ito sa Pilipinas.

Nanawagan din si Hontiveros sa Commission on Higher Education (CHED) para sa pag-release ng transcript of records (TOR) ng mga umano’y biktima ni Quiboloy at ng KOJC na nag-aaral sa kanilang eskwelahan na tinawag nilang JMC, matapos sabihin ng ilang mga testigo na hindi umano sila binibigyan ng kanilang TOR kung kaya’t hindi makapagpatuloy ng pag-aaral sa ibang eskwelahan.

“The best interest of every child should be our foremost consideration. Lalapit po ako sa CHED para masiguradong makukuha ang mga TOR ng mga biktimang ito upang makapagpatuloy po sila ng kanilang pagaaral at hindi matakot para sa kanilang buhay. Huwag po kayong matakot para ilaban ang hustisya. Kakampi po ninyo kami sa Senado na tatayo para sa mga ganitong uri ng panloloko at mga krimen na hindi katanggap-tanggap,” ani Hontiveros, na nagsabi rin na hindi siya pwedeng takut-takutin ng ilang mga bullying machinery ng pastor.