Default Thumbnail

NPC kasangga laban sa korapsyon

September 7, 2021 Paul M. Gutierrez 441 views

PaulKAHAPON, kasamang nanumpa ang mga opisyal ng National Press Club sa Project Kasangga Aksyon Laban sa Korapsyon ng Presidential Anti-Corruption Commission sa pangunguna ni Chairman Greco Belgica.

Kasama din ng NPC sa pribadong sektor ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII).

Binuo ito upang makita ang kaseryosohan ng Administrasyong Duterte sa paglaban sa korapsyon sa bansa.

Sa pangunguna ng PACC ay sinimulan nito ang pagbubuo ng national anti-corruption coordinating council (NACCC) at mga anti-corruption committee (ACC) sa lahat ng lebel ng gobyerno.

Isa itong malaking hakbang at banta sa mga gumagawa ng katiwalian sa pamahalaan na tanggapin na natin, may mga tao sa gobyerno na walang ibang inisip kundi kung paano nakawan ang bayan.

Ang pagkakasama ng NPC ay maituturing nating makasaysayang pagkakataon na makakasama ang midya paglaban sa korapsiyon at siyempre tayo ay nagpapasalamat sa PACC bilang pagkilala sa NPC.

Sa pagsisikap ng liderato ngayon ng NPC sa pangunguna ng inyong lingkod, kilala na ngayon ang NPC bilang organisasyon ng midya na puwede na ulit mapagkakatiwalaan.

Ito ay masasabi nating repleksiyon din ng ating naging trabaho sa NPC sa paglilinis ng ating hanay at naging trabaho ng ating partido, ang Press Freedom Party.

Alam ng marami na hindi naging maganda ang dating imahe ng NPC sa midya nang maupo ang mga opisyal na tanging isip ay paano makikinabang sa ating organisasyon.

Hindi naging madali ang naging karanasan natin sa paglilinis sa ating hanay at matagal na panahon din bago tayo muling pagkatiwalaan.

Kaya naman, isang malaking hamon para sa atin na maging bahagi nito dahil alam natin na bahagi ito ng ating propesyon na magsiwalat ng katiwalian sa pamahalaan.

Malaki ang papel na ating ginagampanan para dito dahil kung mayroon mang dapat na maging boses ang publiko laban sa korapsyon ay iyon ang midya. Tayo ang unang pinagkakatiwalaan ng publiko pagdating sa impormasyon.

Alam natin na hindi madaling mag-report tungkol sa korapsyon dahil kaakibat nito ang panganib ng ating propesyon. Pero kailangan nating tanggapin na ito ang propesyon natin.

Walang pumilit sa atin na maging mamamahayag. Bahagi ng ating propesyon ang panganib na ito dahil nais natin ng malinis na gobyerno.

Pero kailangan din nating ingatan ang ating mga sarili na huwag magamit dahil dito nagsisimula ang panganib sa atin. Lalo na ngayong parating ang eleksiyon, ito ang panahon na maraming lumilitaw na hao-shiao na walang ginawa kundi magpagamit sa mga nagbabanggaang politiko. Kadalasan ang mga ito ang napapadalhan sub poena o di kaya’y hitman.

Kaya naman pakiusap natin, bagamat masasabi nating ang midya ang isa sa mga pinaka-exploited na propesyon, sana ay huwag tayong magpagamit at panatilihin natin ang integridad ng ating propesyon.

Kung sa pagkakataon na alam nating naririyan ang panganib o banta sa ating buhay at pamilya, naririto ang NPC at syempre katuwang natin ang Presidential Task Force on Media Security upang matulungan tayo.

Sa ngayon, ipinagpapasalamat natin ang pagtitiwalang ibinibigay ng PACC sa atin bilang kanilang makakatuwang at magpakakatiwalaan sa paglaban sa korapsiyon sa ating bansa.

Bagamat hindi ito magiging madali, pero alam natin may ibubunga ang ating pagtutulungan para sa ating pagnanais magkaroon ng malinis na pamahalaan.

AUTHOR PROFILE