Lacuna Iniharap ni Manila Police District (MPD) Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon kay Manila Mayor Honey Lacuna ang suspek sa ‘pangmomolestiya’ sa magkakapatid na menor de edad matapos na maaresto ng mga kapulisan sa pamumuno ni P/Lt. Col. Rexson Layug, hepe ng MPD Station 11. Kuha ni Jon-jon Reyes

No. 1 MWP sa Maynila iprinisinta kay Mayor Honey

September 19, 2022 Edd Reyes 294 views

Suspek na lolo, wanted sa ‘child abuse’

PINASALAMATAN at pinuri ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan si Manila Police District (MPD) Director P/Brigadier General Andre P. Dizon at mga tauhan nito matapos nilang madakip sa distrito ng Binondo ang itinuturing na “numero unong” kriminal sa lungsod na tatlong taong nagtago sa batas.

Pinangunahan nina Mayor Honey at Dizon, kasama si MPD Police Station (PS)-11 Commander P/Lt. Col. Rexson Layug, ang pagpiprisinta sa media ng akusadong lolo, 61-anyos, na tinaguriang no. 1 “most wanted person” (MWP) matapos siyang maaresto ng pinagsanib na puwersa ng PS-11, Warrant Section at Regional Mobile Force Battalion (RMFB) dakong alas-5:30 ng hapon, araw ng Sabado noong Setyembre 10, 2022, sa Muelle Dela Industria Street sa Binondo.

Ayon sa alkalde, ang akusado ay sinampahan ng kaso sa sala ni Presiding Judge Jacqueline Marin Balictar ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 9 na siya ring naglabas ng warrant of arrest noong Agosto ng taong 2019 sa kasong “panggagahasa” at apat na bilang ng “acts of lasciviousness”.

Nagtago ang akusado nang maghain ng kaso laban sa kanya ang ina ng tatlong menor-de-edad na magkakapatid na may edad na 12, 6, at 2-taong gulang na pawang anak ng kanyang kinakasama.

Batay sa rekord ng pulisya, sa iba’t-ibang pagkakataon, ay inabuso at hinalay ng akusado ang tatlong bata sa loob ng kanilang tinutuluyang bahay sa San Andres Bukid habang ang ina ng mga biktima ay nagtatrabaho.

Nalaman lamang ng ina ng mga biktima ang ginagawang pagmomolestiya sa kanila ng amain nang magkaroon ng lakas ng loob na magsumbong ang isa sa magkakapatid na dahilan upang maghain siya ng reklamo subalit kaagad tumakas ang akusado bago pa dumating ang mga pulis na huhuli sa kanya.

Sinabi ni Mayor Honey na inatasan na niya ang MPD na isailalim sa “drug test” ang akusado at nagbigay ng direktiba sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) na hanapin ang mga biktima at kanilang ina upang mapagkalooban ng kaukulang tulong para makabalik na muli sila sa normal na buhay.

Nang komprontahin naman ng alkalde ang akusado, itinanggi pa niya na mayroon siyang nagawang kasalanan na labis namang ikinairita ng punong-lungsod.

“Kung wala kang kasalanan gaya ng sinasabi mo, bakit ka magtatago? Hindi ka na ba naawa? Siguro naman may nanay ka, sa tingin mo naman, may mga kamag-anak kang babae, May utak demonyo ka, hindi ka kapata-patawad,” ang naibulalas ng alkalde dahil sa sobrang galit.

“Bilang ina, napakabigat po sa akin ng ginawa niyang iyan, dahil sa totoo lang, dapat nga eh itinuturing na niyang mga tunay niyang anak dahil sa kanya ipinagkatiwala bilang tumatayong ama ng tatlong bata, pero hindi po niya ginawa yun, bagkus ay pinagsamantalahan pa niya ang kahinaan ng tatlong bata sa tuwing magtatrabaho ang kanyang itinuturing na asawa. Sa akin, po, hindi katanggap-tanggap iyon, Personal ko pong tututukan ito,” pahayag pa ni Mayor Honey.

AUTHOR PROFILE