Joey Papa

Nilalason naman ngayon ang dagat natin

February 19, 2024 Joey C. Papa 145 views

NAPAULAT ngayon sa media na nilagyan ng mga Tsino ng cyanide ang pangisdaan sa Bajo De Masinloc na sakop ng ating karagatan. Tinatawag din itong Scarborough Shoal.

Matinding kawalanghiyaan na ang ginagawang ito ng Tsina!

Lahat nang may buhay sa karagatan ay papatayin ng cyanide. Kasama na rito ang mga isdang hinuhuli at at pinagkakabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.

At tiyak na maaari rin itong makapatay ng tao!

Pati ang mga bahura o corals ay tiyak na apektado na. Nakita ng isang broadcast media reporter na sumisid sa ilalim ng dagat ang nakalulunos na itsura ng ilalim ng dagat.

Parang mapalad pa na may nakita siyang ilan pang ilang maliliit na isda ngunit tila mabibilang na lang ito sa ating daliri. Ibig sabihin ay marami nang pinatay na isda ang cyanide!

Hindi na talaga maganda ang ginagawang ito ng Tsina.

Mga mangingisdang Tsino raw ang naglagay ng cyanide sa Bajo De Masinloc. Ngunit mayroong mga barko ng Tsina ang nasa paligid na tila binabantayan ang kanilang mga mangingisda. Hindi nila ito pinigilan?

Mapanganib ang cyanide sa lahat ng uri ng buhay. May naalala akong isang tao na ginamit ang cyanide sa kanyang pagpapatiwakal. Inilagay niya ang likidong kemikal sa isang orinola at saka hinaluan umano ng serbesa at saka nilanghap nang maraming ulit ang usok ng cyanide. Patay siya agad. Ganoon ka deadly!

Kung inihahalo ito sa tubig-dagat, tiyak na patay ang mga isdang makaiinom nito at kung aanurin naman ito papunta sa ibang lugar, tiyak na madadamay pa ang ibang yamang-dagat sa lasong cyanide.

Ang isang kapansin-pansin din ay ang patuloy pa ring pagroronda ng mga barkong Tsina sa West Philippine Sea. Tila wala na silang pakialam sa mga diplomatikong protestang inihain ng Pilipinas.

‘Ika nga ay dedma na lang sila!

Walang pakialam!

Parang kung sino mainis, talo.

“Gerilyahan” na lang ba ang mangyayari?

Nagtagumpay noong nakaraang taon ang mga sundalo ng Coast Guard sa pagtatanggal ng mga harang na kadenang bakal na inilagay ng mga Tsino sa WPS. Nabelat sila! Hindi nakapalag!

Napakagandang tanawin ito kahit malit na tagumpay ay tagumpay pa rin ito. Kahit paano’y nagpakita ng defiance ang ating bansa.

Nitong nakaraan ayon sa ulat ng media ay hindi napatid ng mga divers ang mga kadenang harang dahil dumikit ng husto ang mga barkong Tsina sa barko ng PCG.

Ayos lang ‘yon! Marami pang araw.

Kung inisan din lang ang mangyayaring labanan ay hindi matatalo ang mga Pinoy. Mahusay ang mga Pilipino sa ganitong larangan. Inis talo!

Matindi na ang ginagawang pag-aangkin ng mga Tsino sa ating karagatan.

Ngunit magaling ang mga Pinoy sa pahabaan ng pasensya. Hindi makukuha ang labanang ito sa palakihan ng barko.

Hindi mapapasuko ang mga Pilipino ng simpleng panduduro o pambubully.

Halata naming panduduro lang ang ginagawa ng Tsina.

Yang mga pagpapakitang puwersa, paramihan ng barko ay astang panduduro lang. Matagal na nilang ginagawa ito pero hanggang doon lang ang kaya nila.

Matindi na nga ang pambobomba ng tubig at laser beam na ginawa ng Tsina ngunit hindi pa rin natigatig ang mga kasapi ng Coast Guard.

Nagalit tayo sa ginawang ito ng Tsina pero hindi pa rin naman natin inalis ang BRP Sierra Madre sa dagat na gustong ipaalis ng Tsina. Defiance pa rin ito sa kanilang pananakop!

Ilang ulit nang nagtagumpay ang resupply mission, may nagawa ba ang Tsina?

Ganyan na lang ang labanan! Patigasan na lang ng … dibdib!

AUTHOR PROFILE