Palay

NFA namimili na ng palay para madagdagan supply

April 22, 2024 Cory Martinez 81 views

NAGSIMULA na ang National Food Authority (NFA) na bumili nang mas mataas na halaga ng palay sa mga magsasaka para madagdagan pa ang suplay ng buffer stocks.

Kamakailan, itinaas ng NFA Council ang buying price para sa bago at basang palay sa halagang P17 at P23 samantalang P23 at P30 naman sa malinis at tuyong palay.

Dapat na 90 na porsiyentong puro ang tuyo at malinis na palay at hindi dapat lalampas sa 14 na porsiyento ang moisture.

Nasa P16 hanggang P19 kada kilo ang dating presyo ng palay para sa bago o basa at P29 hanggang P23 kada kilo para sa malinis at tuyo.

“Tatatak bilang bagong era ang bagong pricing scheme sa pagbili ng palay ng NFA. Ito ay kakaiba dahil iba-iba ang presyo nang bilihan sa iba’t-ibang probinsiya depende sa kundisyon ng probinsiya katulad ng kasalukuyang farm gate price, natitirang ano at target na palay procurement para sa area,” ani NFA acting administrator Larry Lacson.

Inabandona ng NFA ang single pricing system upang suportahan ang presyo na itinakda ng ilang lokal na pamahalaan para mapalaki ang kita ng mga magsasaka.

Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, tinanggal ang rice trading responsibility ng NFA at nilimita ang buffer stocking para masiguro ang suplay ng bigas sa panahon ng kalamidad at disaster.

Sa naturang din batas, inaatasan ang NFA na panatilihin ang stock sa 300,000 tonelada ng bigas na sasapat sa siyam na araw na konsumo.

Kinailangan itaas ng NFA Council ang buying price dahil sa mataas na farm gate price na matagal na naranasan ng mga magsasaka.

AUTHOR PROFILE