Default Thumbnail

Negosyante tiklo sa cyber libel sa Ecjia

April 15, 2023 Steve A. Gosuico 250 views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Kalaboso ang isang 35-anyos na negosyante matapos siyang arestuhin dahil sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 nitong Biyernes.

Ayon kay Major Rommel C. Nabong, ang inarestong suspek ay residente ng Barangay Sta. Barbara, ng bayang ito.

Hindi aniya nanlaban ang suspek matapos isilbi ang arrest warrant ng mga operatiba ng warrant at subpoena section sa pangunguna ni Staff Sgt. Froilan Piadozo at ng 1st Provincial Mobile Force Company sa kanyang tirahan dakong 9:10 ng umaga nitong Biyernes.

“Paninirang-puri thru social media using Facebook,” pahayag ni Nabong sa Journal Group sa pagbigay ng maikling background patungkol sa kaso.

Sinabi ng opisyal na tanging arrest warrant na lang ng suspek ang kanilang natanggap sa pamamagitan ng E-warrant system nitong Abril 13, 2023, isang araw bago maaresto ang negosyante.

Ayon sa record, ang arrest warrant ng suspek ay inisyu Disyembre 21, 2022 ng Gapan City Regional Trial Court Branch 34 dahil sa paglabag ng Section 4 (C)(4) ng Republic Act (RA) 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), at may inirekomendang piyansang P10,000.

Sinabi ni Nabong na ang suspek ay nakapagpiyansa nitong Biyernes at nailabas na sa kustodiya ng pulisya.

AUTHOR PROFILE