Malabon

NAUNSYAMING PAGNANASA

February 27, 2023 Edd Reyes 571 views

IMBES na ang malambot na katawan ng kanyang umano’y pinagnasaang 18-anyos ginang ang kanyang hinahaplos, malamig na rehas ng kulungan ang hinihimas ngayon ng isang 43-anyos na vendor matapos umanong pagtangkaang pagsamantalahan ang biktima Linggo ng gabi sa Malabon City.

Naaresto ang suspek nang humingi ng tulong ang biktima at kanyang pamangkin kina Eduardo Guia, Jr. at Francisco Dela Cruz, kapuwa barangay tanod ng Brgy. Catmon, na silang nag-turn over sa umano’y manyakis na kapitbahay ng ginang sa pulisya.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Malabon Police Women and Children’s Desk (WCPD) na kasama ng biktima ang kapatid na babae ng kanyang live-in partner at kasintahan nito nang makipag-inuman sa bahay ng suspek.

Dakong alas-8:30 p.m. nang antukin at matutulog na sana ang ginang nang biglang umupo ang suspek sa kanyang kandungan at hinalikan siya sa labi habang hinuhubad ang suot niyang short pants at damit na panloob.

Gayunman, bago pa maisakatuparan ng suspek ang pagmomolestiya sa biktima, dumating ang pamangkin ng ginang kaya’t tumigil sa kanyang ginagawang kahalayan ang suspek.

Sinabi ng pulisya na desidido ang ginang na ipagharap ng kasong tangkang panggagahasa ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Malabon Police Station.

AUTHOR PROFILE