Default Thumbnail

Napapanahong Amyenda sa Saligang Batas para sa Sambayanang Pilipino

February 14, 2023 People's Tonight 495 views

RobinKami, ang nakapangyayaring sambayanang Pilipino…(We, the sovereign Filipino people…)

Ito ang panimula ng Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas, ang kataas-taasang batas ng ating bansa.

Mula sa preyambulo hanggang sa bawat kudlit sa ating Saligang Batas, buhay na buhay ang ating soberanya na namamalagi sa sambayanang Pilipino. Tayo, bilang mamamayan, ang kaluluwa at puso ng ating Saligang Batas.

Sa madaling sabi, lahat ng nilalaman ng kalipunan ng batas na ito ay karugtong ng ating buhay. Ito ay iniakda para tugunan ang maraming suliranin ng bansa at maisakatuparan ang matatag, maginhawa at panatag na buhay para sa lahat.

Kung gayon, ano ang aasahan natin, sampu ng susunod na henerasyon, kung ang umiiral na Saligang Batas ng bansa ang mismong pumipigil sa pag-unlad ng ating Inang Bayan?

Halos apat na dekada na ang lumipas nang maratipika ang Konstitusyon. Sa gitna ng pagbabago ng pangangailangan ng ating lipunan, napapanahon na upang amyendahan ng Kongreso ang Saligang Batas at lakipan ng mga probisyong tutugon sa pangangailangan sa panahon ngayon.

Bilang pangunahing may akda ng Resolution of Both Houses No. 3 o ang panukala na amyendahan ang ilang probisyon na nauukol sa ekonomiya ng ating Saligang Batas, malinaw po ang ating punto: oras na para tayo ay kumawala sa mahigpit na restriksyon ng ating Konstitusyon upang umunlad ang ating ekonomiya.

Nakapanlulumo kung iisipin na pumapangatlo ang Pilipinas sa buong mundo sa may pinakamahigpit ang restriksyon sa dayuhang pamumuhunan o Foreign Direct Investment (FDI) base sa pagtataya ng Organization for Economic Cooperation Development.

Hindi rin tayo kaakit-akit na buhusan ng investments ng mga dayuhan, katunayan ay halos nasa dulo – ika-13 sa 14 na ekonomiya sa Asia-Pacific ang bansa sa FDI Attractiveness Scorecard noong 2020.

Kaya naman habang ang ating mga karatig-bayan sa ASEAN ay tumatabo ng benepisyo mula sa buhos ng mga FDI, nananatiling huli ang Pilipinas. Ito ay sa gitna ng sugat na dulot ng pandemya sa ating ekonomiya na tinatayang hindi pa rin lubos na maghihilom sa darating na dekada.

Ang FDIs o dayuhang pamumuhunan sa bansa ang pangunahing mapagkukunan ng kapital para sa pagpapaunlad at pagpapalawak ng ating ekonomiya. Mahalagang mabuksan at mapalawak ang daloy ng kapital sa iba’t ibang sektor ng bansa kabilang na ang agrikultura, edukasyon, mass media at industriya ng advertising at pagmamay-ari ng pribadong lupain.

Walang dapat ikatakot sa pagbabago. Ang ating panukala na amyendahan ang umiiral na Saligang Batas ay limitado lamang sa pagpapalakas ng bansa sa larangan ng ekonomiya. Walang bahid ng pulitika ang alinman sa natatanging pitong (7) probisyon na saklaw ng ating panukala.

Sa pangambang pagbubukas ng ilang sektor upang makapagmay-ari ang isang dayuhan ng pribadong lupa, ang ating nag-iisa at tanging layunin ay ang pagdaloy ng oportunidad ng pamumuhunan at empleyo. Hindi ito nangangahulugan na wala nang proteksyon ang Estado, na tila ba hahayaan na lamang nating mabili ng mga dayuhan ang ating mga lupain.

Atin pong tinitiyak na may sapat na proteksyon at limitasyon ang ating bansa laban sa pang-aabuso. Ilan na rito ang probisyon na hindi maaaring bumili ng pribadong lupa ang dayuhang indibidwal o ang foreign-owned corporation na walang Foreign Direct Investment, limitasyon ng saklaw ng mabibiling lupain, at matibay na enabling law o batas mula sa Kongreso.

Gayong ating iginagalang ang nakalipas na Kongreso na nagpasa ng ng mga batas na layong buksan ang ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan tulad ng amyenda sa Retail Trade Liberalization Act, Public Service Act at Foreign Investment Act, batid natin na hindi ganap ang bunga nito kung hindi kakatigan ng Saligang Batas ang mas malawak na saklaw ng dayuhang pamumuhunan.

Kasabay ng pagbabago ng panahon ay ang pagbabago ng pangangailangan ng lipunan na atin lamang matutugunan kung umaangkop ang ipinagkakaloob na tuntunin ng ating Saligang Batas.

Sa pagbubuksan ng oportunidad ng pagbabago, bubuksan rin natin ang daluyan ng mapagkukunan ng karagdagang buwis, kabuhayan at empleyo na bubuhos sa ating mga mamamayan sa laylayan ng lipunan. Hindi natin kailangan mabaon sa utang; hindi tayo dapat magtiis sa sakit na umaabot sa kalamnan.

Sa napapanahong pagbabago ng Saligang Batas, tayo, ang nakapangyayaring sambayanang Pilipino, ang tunay na makikinabang sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng Inang Bayan. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE