Dizon Nagpaabot ng mensahe si ‘The Game Changer General’ MPD Chief Andre P. Dizon sa publiko na makipagtulungan sa kapulisan upang maiwasan ang karahasan, maging maayos ang kapaligiran, at mamuhay ng payapa ang bawat isa. Kuha ni JON-JON REYES

MPD patuloy sa pag-igting ng checkpoints sa Maynila

March 10, 2023 Jonjon Reyes 1190 views

TULOY-tuloy ang pagsasagawa ng Manila Police District (MPD) ng mga police checkpoint sa lansangan ng Lungsod ng Maynila kahit na patuloy na bumababa ang krimen upang mapanatili ang kaayusan, katahimikan, at kaligtasan ng kapitolyo ng bansa.

Mapapansin sa lungsod na mas pinarami ang paglalatag ng checkpoints sa iba’t-ibang lugar sa nasabing lungsod lalo na ngayon nalalapit na ang “Mahal na Araw” o Lenten Season sa unang linggo ng buwan ng Abril.

Ayon kay “The Game Changer General” MPD Chief Police Brigadier Gen. Andre P. Dizon, ito ay kabilang sa kanilang kampanya laban sa kriminalidad upang mahadlangan ang mga masasamang element, araw man o gabi sa patuloy na pinaiiral ng mga kapulisan na “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations” (SACLEO) at “Oplan Galugad.”

Sinabi pa ng heneral na noong mga nakalipas na araw ay maraming narerekober na mga “loose firearms” ang MPD, mula sa mga checkpoint at maging sa mga nagbebenta ng mga iligal na droga dahil na rin sa pakikipagtulungan ng mamamayan.

Minabuti ng pamunuan ng MPD na magdagdag at palakasin pa ang paglalagay ng mga checkpoints, sa mga kalye at kabilang din ang patrolling operations ng mga kapulisan sa mga matataong lugar upang mapigilan o mahuli ang mga posibleng maghahasik ng gulo o krimen.

Nagbigay naman ng paalala at umapela si Dizon sa publiko na sana ay maunawaan ang pagpapaigting ng MPD sa pagbabantay at pagdaragdag ng puwersa at checkpoints sa iba’t-ibang panig ng anim na distrito sa Lungsod ng Maynila.

Layunin lamang ng mga Pulis-Maynila na masiguro ang kaligtasan ng mamamayan at kapayapaan sa lungsod mula sa anumang uri ng krimen o karahasan, dagdag ni Dizon.

AUTHOR PROFILE