Default Thumbnail

VM Yul Servo Nieto, muling nagsagawa ng medical mission

March 10, 2023 Edd Reyes 411 views

TULAD ng mga nakaraang medical mission na pinangunahan ni Vice Mayor Yul Servo Nieto, isa pang kahalintulad na proyekto ang inilunsad sa C.M. Recto Avenue, Lungsod ng Maynila, kamakailan na pinakinabangan ng libo-libong Manileños mula sa Zones 2 at 25, Districts 1 at 3, na napagkalooban ng libreng serbiyong pangkalusugan at kagalingan.

Katuwang ng Bise Alkalde sa kanyang ika-11 na proyekto, mula ng mahalal na pangalawang pinakamataas na pinuno ng kapitolyo ng bansa may walong buwan na ang nakalilipas, ang mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, Philippine Coast Guard (PCG), at mga pribadong propesyunal at grupo ng mga negosyante.

Kasama rin ni Vice Mayor Yul Servo Nieto sa kanyang programang tinaguriang “Araw N’yo Serbisyo Ko” sina Manila1st District Congressman Ernix Dionisio at 3rd District Rep. Joel Chua pati na ang mga konsehal sa naturang mga distrito.

“Kapag tayo po ay malusog, marami po tayong nagagawang kabutihan para sa ating sarili at pamilya. Kaya patuloy po nating gagawin ang medical missions, dahil malaki ang naitutulong nito sa ating kalusugan,” pahayag ng Bise Alkalde.

Sa naturang programa, muling nagkaloob ang mga nagboluntaryong mga doktor ng libreng checkups at “minor surgery,” habang ang mga volunteer dentist ay nagsagawa naman ng serbisyong pangangalaga sa ngipin. Maging ang mga may problema sa paningin ay nasuri rin at pinagkalooban ng libreng salamin ang mga nangangailangan nito.

Libre ring isinailalim sa laboratory test ang ilang nangangailangan nito habang ang serbisyong pangkagalingan tulad ng gupit, masahe, at pagpapakinis ng mukha at ipinagkaloob din ng walang bayad.

May ipinamahagi ring pagkain ang tanggapan ng Bise Alkalde sa mga lumahok sa naturang medical mission.

Sinabi ng Bise Alkalde na nais niyang magsagawa ng libreng medical mission sa lahat ng barangay sa Maynila na bahagi ng kanyang komprehensibong programang pangkalusugan.

AUTHOR PROFILE