Joy

Miss World Philippines candidate, nagde-demand ng public apology

July 28, 2021 Ian F. Fariñas 505 views

PUBLIC apology. ’Yan ang hinihingi ng Miss World Philippines candidate na si Joy Barcoma mula sa kapwa-kandidata na nagkalat umano ng tsismis na siya ang source ng drug issue sa nasabing pageant.

Umiiyak na humarap sa isang virtual presscon si Joy kahapon para linisin ang nadungisang pangalan dahil sa kontrobersiya.

Si Joy, 21, ay isang Broadcast Communication graduate mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Plano niyang magtuloy sa kursong Law next year.

May work experience si Joy sa radio at du’n niya nakilala sina Raffy Tulfo at Rep. Niña Taduran, kung saan siya nagsisilbing executive assistant ngayon.

Breadwinner ang mental health advocate na si Joy at panganay sa anim na magkakapatid. Nagkahiwalay ang kanyang mga magulang nu’ng siya’y 11 years old.

Kaya naman ganu’n na lamang ang sakit na naramdaman niya nang akusahan siyang nagkakalat na may drug issues ang ilang kandidata ng Miss World Phils.

Nabanggit ni Joy na dinala na nila ng kanyang team sa organizers ng pageant ang concern nilang ito na inamin naman ng kapwa kandidata na gawa-gawa lamang niya.

Hanggang ngayon, naghihintay pa rin sila ng sagot mula sa pamunuan nito.

Ani Joy, “I deserve an apology. I deserve a reason kung bakit ako ang napiling gawan ng kwento. After all the mental anguish, after all that I’ve been through, ilang araw ka iniiwasan ng mga tao, ’di ko na nga po hinihingi na matanggal siya sa competition, eh, I just want her to own up to her mistake.”

Although pinag-aaralan pa sa ngayon ang legal remedies na available sa dalaga, sinabi rin niya na hangga’t maaari ay ayaw na niyang paabutin pa sa demandahan ang kontrobersiya.

Handa rin daw siya sa anumang epekto ng pagsasalita niya sa isyu pero naniniwala si Joy sa mabuti at fair na judgment ng Miss World Philippines organizers.

Naurong ang coronation night ng Miss World Philippines sa Okada Manila sa August 8 mula July 25 dahil sa heightened GCQ restrictions na ipinatutupad ng IATF.

AUTHOR PROFILE