Default Thumbnail

Mga pinabayaang medical frontliners

August 30, 2021 Allan L. Encarnacion 625 views

Allan EncarnacionHINDI ko naman mahanapan ng paliwanag kung bakit ang pondo para sa mga health workers ay hindi maibibigay pero iyong bilyun-bilyon para sa mga reimbursement ng mga ospital ay kaagad naire-release.

Iyong ospital na walang isip at walang sikmura ay nabibigyan ng biyaya pero iyong mga tao na nagpapaktabo sa ospital ay pinababayaan.

Nagbanta na ng nationwide protest ang mga health workers dahil palagi silang biktima ng dribbling at delaying the game para sa kanilang hazard pay, allowances at iba pang benefits.

Kung totoong P13 billion ang pinag-usapang benepisyo rito, aba’y malaki nga ito sa turing pero kapag ibinaba na ito sa mga tinatawag nating medical frontlihers, aba’y kakarampot lamang ito!

Ang balita natin sa ibang nakatanggap na health workers, nasa P2,800 hanggang P3,500 lang ang kanilang nakuha. Hindi ko alam kung paano ang kuwenta nito, one time ba or per araw ng kanilang sakripisyo. Anak ng pigsa, kung ito lang ang pinag-aawayan sa isyu ng delayed release, aba’y napaka-salbahe naman kung sino man ang mga tao o ahensiyang responsable rito!

Mas malaki pa ang natanggap ng mga tambay lang sa kanto sa serye ng mga ayuda release kaysa sa mga dapat palang matanggap ng mga health workers.

Ang problema kasi minsan sa ibang tao, hindi alam magsalansan nang naayon sa kanilang pagkakasunud-sunod. Hindi ko alam kung bakit may mas mataas pa ba. Kaysa sa mga sikmura ng mga frontliners sa panahong ito ng pandemic.

Para tayong nasa giyera ngayon at ang ating mga warriors ay ang mga health workers. Imagine, nasa giyera ka, kailangan ng baril at bala ng mga sundalo pero ang pinaglaanan mo ng pera ay kung paano mo pipinturahan ang inyong kampo.

Lahat magagandang salita ay sinasabi ng gobyerno sa mga medical frontliners pero sa pagka-delay ng kanilang mga benepisyo, isang pagbabalatkayo lamang pala ang mga ito.

Ngayong nagpoprotesta na sila, anong pambobola na naman ang gagawin nyo sa kanila para pumayapa?

***

Dapat maging aral sa mga may hawak ng baril ang naging double life na hatol sa pulis pumatay sa mag-ina sa Tarlac.

Kapag talaga pumasok sa kukote mo ang supremacy laban sa mahina mong kapwa habang ikaw ay armado at makapangyarihan, may paglalagyan ka talaga.

Sa isang kisapmata, dalawang buhay ang nawala habang sa kabilang banda naman, may padre de pamilyang makukulong at malalayo sa kanyang pamilya sa mga susunod na 80 years kung aabot pa siya!

Salot ang baril sa mga taong wala sa bokabularyo ang pasensiya kaya dapat lamang na may matutunan tayong lahat sa senaryo iyo.

Iba pa rin ang mapagpasensiya.